1 minero, ginulpi ng 2 lalaki sa bar

Huli ang dalawang lalaki matapos manggulpi sa loob ng isang bar sa Palangdao Building, Lakandula Street, Baguio City noong ika-11 ng Hunyo 2017, bandang 8 ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Tolentino Pilleyen Garwinen, 23 anyos, single, minero, tubong Bontoc, Mountain Province at kasalukuyang nakatira sa Acupan, Virac, Itogon Benguet, habang ang mga supek ay kinilalang sina Jomar Canao Guinapon, 28, single, at si Rodney Camilo Ampoc, 24, single, pawang minero at tubong Pasil, Kalinga at parehong nakatira sa 1st gate Antamok, Itogon Benguet.
Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, ang biktima at ang kanyang kasamahan ay nag-iinuman sa Skyview Bar, Palangdao Building, Lakandula Street. Makalipas ang ilang oras ay nagdesisyong umuwi ang mga ito matapos ang kanilang inuman. Habang sila ay pauwi, nakasalubong nila ang mga suspek sa harap ng Citadel Bar.
Ang mga suspek ay biglang sinuntok sa mukha ang biktima at hinila sa loob ng bar. Mabilis na ikinandado ng mga suspek ang pintuan at ipinagpatuloy ang pagsuntok sa biktima hanggang sa nagtamo ito ng sugat sa ulo, habang ang kasamahan ng biktima ay dumaan sa likod ng nasabing bar upang saklolohan ito ngunit nadatnan nitong nakahandusay sa sahig at bugbog sarado ang biktima.
Agad dinala ang biktima sa Baguio General Hospital Medical Center (BGHMC) dahil sa natamong mga sugat nito.
Inaresto ng pulis ang mga suspek at patuloy ang pagsisiyasat tungkol sa insidente. AUBREY BALINDAN, UC Intern

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon