10 DRUG PERSONALITIES, NALAMBAT SA OPERASYON SA CORDILLERA

LA TRINIDAD,Benguet — Arestado ang sampung drug personalities sa isang linggong anti-illegal drugs operation ng Police Regional Office-Cordillera na isinagawa mula Nobyembre 13 hanggang 19. Sa talaan ng Regional Operations Division (ROD) ng PROCOR, anim na drug personality ang naaresto ng Benguet Police Provincial Office (PPO) habang dalawang drug personality ang naaresto ng Baguio City Police Office (CPO).

Naaresto ng Abra PPO at Mt. Province PPO ang tig-isang drug personality. Sa Benguet, kinilala ang mga naarestong drug personalities na sina Mark Sanchez, 38; Jay Anne Alindayo, 29; Larry Jay Moyano, 25; Randy Galuzo, 33; Darwin Aluyen, 23; at Rowel Compas, 33. Sa Baguio City, kinilala ang mga naarestong drug personalities na sina Ferlinda Fernandez, 50; at Jose Casauay Jr., 40.

Dagdag pa, si Klemburg Geronilla, 41, ay naaresto sa Mt. Province habang si Rolly Siobal, 40, ay naaresto sa Abra. Ang isang linggong antiillegal drugs operation na isinagawa ay nagresulta sa pagkakasamsam ng kabuuang 16.32 gramo ng shabu na may kabuuang Standard Drug Price (SDP) na P110,976.00. Lahat ng mga naarestong suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa isang hiwalay na antiillegal drug operation sa Benguet, siyam na plantasyon ng marijuana ang natuklasan sa mga munisipalidad ng Kibungan, Kapangan, at Bakun. Nadiskubre ng mga operatiba ng Benguet PPO ang 24,310 piraso ng Fully-Grown Marijuana Plants (FGMJP) na may SDP na P4,862,000.00. Binunot at sinunog ng mga operatiba ang lahat ng natuklasang halaman ng marijuana habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang mga cultivator nito.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon