10 miyembro ng Militia ng Bayan, sumuko sa Ifugao

KIANGAN, IFUGAO – Sampung miyembro ng New Peoples Army na kabilang sa Militia ng Bayan ang sumuko sa mga sundalo sa Asipulo, Ifugao kamakailan.
Ang mga miyembro na may kaugnayan sa Nona del Rosario Command ng NPA sa Ifugao ay sumuko nang walang armas sa headquarters ng 54th Infantry Battalion sa Barangay Baguinge sa bayan ng Kiangan at sinamahan sila nina Asipulo Vice Mayor Tomas Pullupul at barangay chairman ng Namal, Asipulo Grace Tayaban.
Sinabi ni Tayaban na ang mga naturang dating rebelde ay lumapit sa kanya at nagpahayag ng pagnanais na sumuko sa gobyerno matapos malaman na ang kanilang pagkakakilanlan bilang Militia ng Bayan ay naisiwalat sa mga otoridad.
Pinangunahan ni Lt. Col. Nicolas Quemado, komander ng 54th IB, ang panunumpa ng alyansa sa gobyerno ng 10 sumukong rebelde. “I truly commend the bravery and strong desire of our brothers to denounce their allegiance to the NPA-NDRC,” aniya.
Hinimok niya ang natitirang militia forces ng NPA sa Ifugao, lalo na ang mga binuo sa mga barangay ng Wangwang at Gumhang (parehong nasa Tinoc) na linisin ang kanilang mga pangalan at itakwil ang kanilang suporta sa NPA.
Nauna rito, noong Pebrero 12, sinabi ng puwersa ng gobyerno na kinubkob nila ang isang malaking kampo ng NPA sa barangay Namal, Asipulo, at nasamsam ang mga armas pandigma, mga laptop, camera at mga dokumentong naglalaman ng listahan ng mga binuong local militia forces ng mga rebelde sa Asipulo at Tinoc. Ace Alegre / ABN

Amianan Balita Ngayon