100 KASO NG DELTA VARIANT POSIBLENG NASA BAGUIO NA

1,052 active cases naitala noong Sept. 3
BAGUIO CITY – Posibleng nasa 100 na ang COVID-19 Delta variant cases mula sa mga contacts ng lima sa anim na unang nakumpirmang kaso, ayon sa projection ni Mayor Benjamin Magalong.
“Lumalabas na meron na kaming na-confirm na positive case sa kanila and most probably Delta variant na rin, of that four lumalabas na meron na kaming na-confirm na around 30 plus na positive na doon.
Out of the 30 plus positive meron pa kaming nadetermine na potentially close contacts nila around 70 plus, kaya marami na,” pahayag ni Magalong. Hindi rin iniaalis ni Magalong ang posibilidad na nararanasan na ng siyudad ang community transmission ng Delta variant.
Dahil dito, muling nagpalabas si Magalong ng Executive Order No.106-2021 ng karagdagang paghihigpit, ang muling pag-suspinde ng non-essentials travels sa lungsod mula sa all areas regardless of quarantine classification mula Setyembre 3 hanggang Setyembre 19.
Aniya, base sa link analisys na ginagawa gamit ang certain type of technology ay lumalabas na mula sa 5 kaso ng Delta variant ay mahigit na sa 100 katao ang nahawaan mula pa noong Hulyo.
“Ibig sabihin kung as early of July, everyday ay may potentially na nai-infect and most probably dito sa atin ay mayroon na tayong community transmission at sa mga susunod na araw ay baka ito na ang mas dominant variant sa ating siyudad.”
Ayon kay Magalong, mula noong Hulyo, ay tumaas ng 30 porsiyento ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at tumaas din ng 85 porsiyento ang mga taong edad 17 pababa ang tinamaan ng virus.
“Since the 3rd week of August, the number of our average cases per day is 87. This comes in the aftermath of the confirmation of local transmission cases of the COVID-19 Delta variant, where six have been identified to be in Baguio,” Magalong said in his EO.
Sa datos ng Philippine Genome Center (PGC) ng Department of Health (DOH), ang lungsod ay may 162 na biktima ng tatlong uri ng variant, ang Alpha na may 107 cases, na may linked cases for monitoring na 3,378 contacts; Beta variant na may 49 cases-881 linked cases for monitoring at Delta variant na 6 with 262 linked cases for monitoring.
Sa kabuuan, ay may 4,521 contacts ang patuloy na minomonitor ng Task Force on Contact Tracers base sa link analysis tools ng lungsod. Nabatid na wala pang kumpirmasyon ang PGC ukol sa 100 posibleng tinamaan na ng Delta variant.
Ayon kay Magalong, dahil sa case clustering na naitala mula sa households at workplaces ay kinakailangan ang dagliang pagpapatupad ng karagdagang restrictions upang mapigil ang pagkalat ng community transmission.
Ipinaliwanag din Magalong na bagama’t tumataas ang kaso sa nakalipas na dalawang linggo hanggang sa kasalukuyan ay nasa 73 percent pa rin ang utilization rate ng bed capacity ng mga hospital at isolation facility sa lungsod.
“Bagama’t tumataas ang kaso natin, ay mataas naman ang recovery rate natin everyday. Panawagan ko lang sa ting mga residente na doble o’ gaeing triple ang pag-iingat at panatilihin ang minimum health protocols,lalong-lalo na sa bahay at lugar na pinagtratrabauhan,” pahayag pa ni Magalong.
Sa nakalipas na tatlong araw ng Setyembre ay naitala ang 332 cases, na dumagdag sa kabuuang 17,895 confirmed cases; 16,496 recoveries; 1,052 active at 347 deaths.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon