105 pulis kinasuhan; 48 nabigyan ng demerit sa Ilocos Norte

Headlines

LUNGSOD NG LAOAG, ILOCOS NORTE – Kinasuhan ang 105 na tauhan ng Philippine National Police (PNP) habang 48 pa ang nabigyan ng demerit sa lalawigang ito bilang bahagi ng internal cleansing sa kapulisan.

Ayon kay Police Chief Inspector Randy Baoit, acting chief ng Provincial Operations ng PNP-Ilocos Norte, sa taong
ito ay 56 commissioned officers, 47 police noncommissioned officers, at dalawang non-uniformed personnel ang kinasuhan.

“This is part of our continuing efforts to police our ranks and inculcate discipline at all times,” ani Baoit sa kanyang ulat sa ginanap na joint meeting ng Provincial Peace and Order Council at Provincial Anti-Drug Abuse Council.

Sa ilalim ng memorandum circular na nagtatag ng isang delinquency reporting system sa PNP, ang mga police officers na hindi sumusunod sa good grooming, bilang halimbawa, ay maaaring patawan ng parusang community service.

Isinasaad rin ng circular na sinumang pulis, anuman ang ranggo nito, na mahuhuling lumalabag sa “tamang bihis” ay makakakuha ng five-point demerit. Ang mga paglabag na ito ay kinabibilangan ng “unauthorized or improper
wearing of uniforms, insignias and accouterments, unauthorized haircut, dirty shoes, dirty uniform, unshaved
mustache, no hanky or tickler, no Miranda Warning Card as required during inspection, and other similar minor offenses.”

Bilang prayoridad na programa sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Oscar Albayalde, sinabi ni Baoit na patuloy na pinapaalalahanan ang kapulisan ng Ilocos Norte sa kanilang sinumpaang tungkulin at wastong dekorum sa lahat ng pagkakataon.

Itinuturing bilang major offense ang pagiging absent sa formation o command activities, na nangangahulugan ng 20-point demerit; ang mga umaalis sa pwesto nang mahigit 2 minuto, ang mga natutulog sa trabaho, o ang mga nabigong aksyunan ang isang complaint ay makakakuha ng 15-point demerit.

Ang mga pulis na makakakuha ng 15-point demerit sa isang buwan ay uutusang gumawa ng community service
gaya ng tree planting at pagsali sa cleanup drives at information dissemination campaigns.

Samantala, ang bawat magandang gawain ng mga pulis ay pinaparangalan upang pataasin ang kanilang morale. L.ADRIANO, PNA / ABN