12 drug personalities huli, P3M marijuana plants sinunog

LA TRINIDAD, Benguet – Arestado ang 12 drug personalities, habang mahigit P3 milyong halaga ng marijuana ang sinunog sa Benguet at Kalinga sa isang linggong anti-illegal drugs operations sa rehiyon.
Batay sa ulat ng PROCOR’s Regional Operations Division ng Police Regional Office-Cordillera, mula Mayo 15 hanggang 21 ay naitala ng Baguio City Police Office ang pinakamataas na bilang ng mga naaresto na may anim na drug personalities na sinundan ng Apayao PPO at Benguet PPO na may tig-dalawang arestado at Abra PPO at Kalinga PPO na may tig iisang arestado.
Sa Baguio City, kinilala ang mga naarestong personalidad na sina Arjay Simeon, 25; Ibalson Cadangen, 37; Rey Christopher Abero, 38; Ronald Ellana, 33; Janewen Lui, 42; at Karlo Ibarra, 31.
Sa Apayao, kinilala ang mga naarestong personalidad na sina John Arian Magro, 27, at Cleo Tabbu, 40. Sa Benguet, kinilala ang mga naarestong personalidad na sina Joemamel Dipatuan, 37, at, Ellaine Cariaso, 37.
Habang, sa Abra at Kalinga, kinilala ang mga naarestong personalidad na sina Jojemar Bagni, 31, at, Gian Vincent Dela Cruz, 29, ayon sa pagkakasunod.
Ang magkahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ay nagresulta sa pagkakasamsam ng kabuuang 18.19 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P123,692.00 at nakumpiska ang kabuuang 1000.9 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may halagang P120,108.00.
Sa patuloy na pagpuksa ng marijuana sa Benguet, nasira at sinunog ang kabuuang 4,350 fully grown marijuana plants (FGMJP) na may halagang P870,000.00 at 5,000 piraso ng tuyong dahon ng marijuana na may halagang P600,000.00.
Habang sa Kalinga, nasa kabuuang 8,500 FGMJP na may halagang P1,700,000.00 at 1,000 gramo ng marijuana seeds na may halagang P25,000.00 ang sinunog.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon