15 anyos na lalaki, kinuyog sa terminal ng jeep

Arestado ang isang 20 anyos na lalaking estudyante matapos nitong pinalo ng isang matigas na bagay ang bunganga ng isang 15 anyos na binatilyo noong Oktubre 19, 2017, dakong 10 ng gabi malapit sa paradahan ng jeep ng Irisan sa Otek Street, Baguio City.
Kinilala ang suspek na si Tristan Cabizon Bermisa, 20, single, estudyante at residente ng Upper Quezon Hill, Baguio City habang ang biktima ay isang grade 8 student ng Baguio City High School at residente ng Lower Quirino Hill.
Lumabas sa imbestigasyon na ang biktima at isa pang lalaking kasama nito ay pauwi na sana galing sa Burnham Park nang nakasalubong ang suspek at kasama nitong lalaki at walang rason na pinalo nito sa bunganga ang biktima.
Ang suspek at kasama nito ay tumakbo patungo sa Burnham Park at hinabol ng grupo ng biktima kung saan nakasalubong ng mga ito ang dalawang pulis na nakasibilyan. Tinanong ng mga pulis kung bakit tumatakbo ang mga ito. Habang kausap ng mga pulis ang grupo ng biktima, ang grupo ng suspek na tinatayang nasa 10 katao, ay kinuyog na inatake ang biktima. Inawat naman ang mga ito ng mga pulis at inaresto ang suspek habang ang mga kasama nito ay nagsitakbuhan sa magkakaibang direksyon.

Amianan Balita Ngayon