18 anyos na lalaki, arestado sa pananaksak

LA TRINIDAD, BENGUET – Nagtamo ng sugat sa kaliwang braso at sa kanang dibdib ang isang trabahador ng bakery habang nasugatan din sa likod ang kasama nito matapos silang pagsasaksakin ng isang lalaki bandang 2:55 ng madaling araw ng Hunyo 1, 2017 sa harap ng Valley Bread building sa Buyagan, Poblacion, La Trinidad Benguet.
Ang biktima ay nakilalang si Izern Javier Laroco, 18 anyos, single, trabahador ng bakery, at kasalukuyang nakatira sa Western Buyagan, Poblacion, La Trinidad, Benguet, habang ang suspek ay si Beljimar Rotic Nabus, 18, single, walang trabaho at nakatira sa Puguis, La Trinidad, Benguet.
Ayon sa imbestigasyon ng pulis ng La Trinidad, ang biktima na kasama ang kanyang kaibigan ay pauwi na galing sa isang graduation party. Habang naglalakad ay nakasalubong nila ang suspek.
Kinausap ng kasama ng biktima ang suspek tungkol sa hindi nila pagkakaintindihan ngunit nauwi sa bugbugan hanggang sa saksakin ng suspek ang biktima at kanyang kasama.
Ang biktima ay dinala sa Benguet General Hospital dahil sa natamo nitong sugat sa kanyang kaliwang braso at sa kanang dibdib at nangangailangan ng medical treatment habang ang kanyang kasama ay nagtamo ng sugat sa likod.
Inaresto ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder. AUBREY BALINDAN, UC Intern

Amianan Balita Ngayon