18 bayan sa Pangasinan, inirekomendang ideklarang drug-free

DAGUPAN CITY – Inirerekomenda ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) sa regional office ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 18 bayan sa Pangasinan na ideklarang drug-free.
Ayon kay Senior Supt. Ronald Oliver Lee, police provincial director, sa ginanap na conference noong July 26 sa Dagupan City Police Station, na ang 18 bayan na dagdag mula sa bayan ng Laoac at Agno, pati na rin ang Alaminos City, na kamakailang naideklarang drug-free.
Sinabi pa ni Lee na ang Alaminos City ang kauna-unahang lungsod sa buong Pilipinas na naideklarang drug-free.
Sa kabilang banda, ang Sto. Tomas ang nag-iisang munisipalidad ng Pangasinan ang hindi naapektuhan ng illegal drugs.
Sinabi pa ni Lee na ang mga bayang irerekomendang ideklarang drug-free ay ang Anda, Bolinao, Burgos, Dasol, Mabini, Aguilar, Basista, Labrador, Sison, Natividad, San Nicolas, San Quintin, Sta. Maria, Mapandan, Bautista, Bugallon, Alcala at Tayuig.
Sinabi pa niya na ang PDEA ang magbibigay ng sertipikasyon na nagdedeklara ng tiyak na munisipalidad o lungsod kung drug-free ayon sa pagsunod ng validation ng oversight committee.
Ngunit nabanggit pa niya na ang validation ng PDEA ay tila mabagal dahil sa kakaunting tauhan ang gumagawa ng validation.
Subalit, nangako naman si Lee na target pa rin nilang linisin ang 48 bayan at lungsod sa Pangasinan hanggang katapusan ng Disyembre ngayong taon.
Inamin din niya na may mga barangay na ang naideklarang drug-cleared ng pulisya ngunit bumabalik-balik pa rin sila sa mga barangay na iyon dahil nais nilang masigurong hindi uli ito maaapektuhan ng illegal drugs.
“We will continue with our operations against illegal drugs, particularly the One-Time, Big Time Operations because we want to finish the task given us ahead of time given us,” ani Lee sa media. Leonardo V. Micua/PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon