189K KATAO APEKTADO NG ST EGAY SA CORDILLERA

BAGUIO CITY

Umabot sa kabuuang 189,815 indibidwal o 49,345 pamilya mula sa 381 barangay ng 54 na munisipalidad sa anim na lalawigan at lungsod ng Baguio ang naapektuhan ng Super Typhoon Egay na nanalasa sa rehiyon ng Cordillera noong Hulyo 26. Sa datos ng DSWDCordillera noong 6:00 a.m ng Hulyo 28, ang lalawigan ng Abra ang may pinakamaraming apektadong indibidwal na may 180,163 o 46,677 mula sa 85 barangay sa 26 sa 27 munisipalidad sa lalawigan.

Sumunod ang lalawigan ng Apayao na may 4,388 indibidwal o 1,268 pamilya sa 64 na barangay sa lahat ng anim na bayan ng lalawigan. Ang Baguio City na labis ding naapektuhan ng bagyo na
nagtamo ng 18 landslide na ikinamatay ng isang katao at 3 sugatan ay naitala ang 1,91 katao o 481 pamilya mula sa 52 barangay ang labis na naapektuhan.

Ang Benguet na tinamaan din ni Egay, ay 1,195 katao o 344 na pamilya mula sa 75 barangay ang naapektuhan mula sa 13 bayan ng lalawigan. Sa Kalinga, 925 katao o 217 pamilya sa 29 barangay mula sa limang bayan ang apektado, habang 1,130 katao o 355 pamilya sa limang bayan sa
Mountain Province at 93 katao o 22 pamilya mula sa apat na bayan ng Ifugao.

Naitala din sa kabuuang 64 na bahay ang totally damaged at 1,445 ang partially damaged, samantalang 1,795 o 517 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center na karamihan ay sa lalawigan ng Abra,Apayao,Kalinga at Baguio City. Namahagi ang ahensya ng kabuuang P910,287 halaga ng family food packs, hygiene kits, family kits, sleeping kits, bottled waters at iba pang non-food items sa mga evacuation centers sa mga naapektuhan ng bagyo.

Zaldy Comanda and Artemio Dumlao/ABN

Amianan Balita Ngayon