2 ARESTADO SA BAGUIO DRUG DEN

BAGUIO CITY

Nabuwag ng mga anti-narcotics operatives ang isang drug den na nag-resulta sa pagkaka-aresto sa dalawang suspek at pagkaka-kumpiska ng mahigit P326,000 halaga ng hinihinalang iligal na droga sa Evangelista Street Road 2, Leonila Hill, Baguio City. Ang mga operatiba ng BCPO Aurora Hill Police Station 6, National Bureau of Investigation (NBI-CAR), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Baguio, at City Drug Enforcement Unit (CDEU), mga kinatawan mula sa
Department of Justice, barangay officials at media, ay armado ng search warrant na isinagawa
dakong alas 8:20 ng gabi ng Marso 8 hanggang alas 2:40 ng umaga ng Marso 9.

Kinilala ang mga naarestong drug personalities na sina Grace Sibug, 47, alyas “Ace” na nakalista bilang High Value Individual (HVI) at Kryer dela Concha,26, lalaki, na inilista bilang newly identified Street Level Individual at residente ng Pinsao Pilot Proper, Baguio City. Inilunsad ang operasyon matapos ang matagalang pagbabantay sa mga ilegal na aktibidad ng mga suspek at ang ugar na ginagawa nilang drug den.

Narekober sa apartment ni Ace ang 48 gramo ng hinihinalang shabu na nakaimpake sa 13 plastic sachet na may Standard Drug Price na P326,400.00; assorted drug paraphernalia at cash na nagkakahalaga ng P14,190.00 na pinaniniwalaang kinita mula sa ilegal na transaksyon. Dinala sa NBI CAR Baguio ang mga naarestong suspek at ang mga nakuhang ebidensiya para sa pag-iingat at dokumentasyon. Ang mga kasong kriminal para sa paglabag sa RA 9165, o mas kilala bilang “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002,” ay inihahanda na ngayon para sa pagsasampa laban sa mga naarestong suspek sa korte.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon