2 drug pusher, patay sa engkuwentro sa Benguet

TUBA, BENGUET – Dalawang drug peddlers at miyembro ng gun running group ang napatay sa engkuwentro sa pulisya noong umaga ng Agosto 28 sa Badiwan, Tuba, Benguet.
Nabatid kay Chief Inspector James Acod, hepe ng Tuba Municipal Police Station, na isa sa dalawang suspek ang nakilala lamang mula sa driver license nito na Pedro Badong Animalis, 24anyos, ng No. 4B Lower Rock Quarry, Baguio City.

Ayon kay Acod, ang magkakasanib na tauhan ng Police Investigation Branch, Benguet provincial police, city intelligence unit ng Baguio City Police Office at Tuba municipal police ay nagsagawa ng operation laban sa mga suspek na sangkot sa illegal drugs at gun running sa may Badiwan, Marcos Highway, Tuba, Benguet, dakong 5:30 ng umaga.
Nagtungo ang mga operatiba sa may Sitio Bontiwey, Badiwan para sa posibleng pagdakip sa mga suspek, nang makita nila ang dalawang suspek na nakatayo sa kalsada.
Nang palabas sa sasakyan ang mga pulis ay agad silang pinaputukan ng baril ng mga suspek. Gumanti ang mga pulis at bumulagta ang isang suspek, samantalang ang isa ay mabilis na tumakbo sa mapunong lugar.
Nagpatuloy ang palitan ng putok ng baril, hanggang sa mapatay ang suspek.
Kabilang sa nakuha kay Animalis ang apat na heat sealed transparent sachet na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu, one dollar bill, sealed condom, isang cal. 38, isang misfitted ammo, isang itim na sumbrero at isang pares ng tsinelas.
Nakuha naman sa di-pa nakikilalang suspek ang dalawang heat sealed transparent sachet ng hinihinalang shabu, apat na P1,000 bill bilang buy-bust money, blue lighter, cal .45 pistol na may magazine na naglalaman ng anim na live ammunitions ng cal .45.
Habang sinusulat ang balitang ito, ang dalawang suspek ay nasa La Paz Memorial at wala pang kumukuha. ZALDY COMANDA / ABN

Amianan Balita Ngayon