2 lalaki, arestado sa drug buy-bust sa Benguet

LA TRINIDAD, BENGUET – Nadakip ang dalawang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit, La Trinidad Municipal Police Station at Provincial Intelligence Branch-Benguet, noong Biyernes, Enero 25.
Kinilala ang mga suspek na sina Fran Mark Bolhanu Alcayde, 28, construction worker mula sa Negros Oriental, at Renuel Ganado Tumbaga, 28, vegetable packer at tubong Candon, Ilocos Sur.
Naaresto ang mga ito sa isang buy bust operation na pinangunahan nina Police Chief Insp. Jeoffer Banglayan at PInsp. Roy Toyokan Jr. sa Pico, La Trinidad.
Napag-alaman na si Alcayde ay isa sa mga boluntaryong sumuko sa unang yugto ng kampanya kontra ilegal na droga na “Oplan Tokhang” sa pagsisimula ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Dutuerte. Ang kampanya ay nakatutok sa pagsugpo sa paggamit ng ilegal na droga at mga tinaguriang tulak ng droga sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng babala upang itigil ang kanilang ilegal na gawain at pag-aalok ng rehabilitasyon. Sa kabila ng pagsuko nito noong Hulyo 28, 2016, ay nabigo ang suspek na dumalo sa programang rehabilitasyon kahit minsan.
Noong gabi ng operasyon ay matagumpay na nakipagkita ang agent na nagpanggap na buyer kasama ang mga suspek at nakakuha ng isang heat sealed transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu gamit ang buy bust money na nagkakahalaga ng P1,000. Maliban dito ay nakuha rin ang isang pulang Nokia cellphone at isa pang transparent sachet na naglalaman ng shabu mula sa mga suspek.
Ang operasyon ay natapos nang walang aberya dahil ang mga suspek ay hindi nanlaban at kusang-loob na sumuko.
Ito ay ang ikatlong drug related buy bust operation sa lugar mula Disyembre ng nakaraang taon, ayon sa mga awtoridad.
Ang dalawang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa seksyon 5 at seksyon 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang dalawang suspek ay kasalukuyang dinala sa La Trinidad Municipal Hall.
REIGN PEACE B. KERYAO, UB Intern/ABN

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon