2 NPA recruiter arestado sa Apayao

CONNER, Apayao – Dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na nangangalap ng kasapi para sa kanilang organisasyon, ang nadakip sa checkpoint ng pulisya noong Hunyo 12 sa Conner-Tuguegarao City road,Conner, Apayao.
Kinilala ang dalawang nadakip sa pangalang Alyas Ka Cris, 36, tubong San Mateo, Isabela at residente ng Bagong Pag-asa, Quezon City
at Alyas “Ka Zin”, 30, residente ng Dagat Dagatan, Barangay Longos, Malabon City.
Sinabi ni Col.Reynaldo Ogay, Jr., provincial director ng Apayao Police Provincial Office, dakong alas 8:00 ng umaga ay nakatanggap ng tawag ang 2nd Apayao Provincial Mobile Force Company mula sa Kabugao Municipal Police Station na may pinaghihinalaang mga miyembro ng CTG ang nakita na sakay ng tatlong motorsiklo sa may harapan ng JL Gasoline Station sa Sitio Iyapan, Kabugao, Apayao patungo sa Conner-Tuguegarao Road.
Ayon kay Ogay, nagkataon na nagsasagawa ng checkpoint ang magkakasanib na tauhan ng pulisya sa nasabing highway dahil sa intelligence report na may gumagalang CTG at sa ibinigay na description ng motorsiklo ay hinarang ang mga ito, dakong alas 9:30 ng umaga.
Napag-alaman na isa sa tatlong motorsiklo na pinahinto ay agad na lumapit sa mga pulis at sinabing siya at kasama niya ay pinipilit na isama ng dalawang suspek na ihatidd sa isang lugar sa Tuao,Cagayan.
Ang nasabing mga nagrereklamo na hindi pinabanggit ang mga pangalan ay pawang taga Barangay Dagara, Kabugao, Apayao. Agad na dinala sa Conner MPS ang dalawang CTG at sa imbestigasyon ay napagalamang ang mga suspek ay dating rebeldeng sumuko na pawang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC), Kilusang Larangang Guerilla (KLG) – North Abra sa ilalim ng Command of Florencio Malaga Baloga aka Bram.
Narekober sa kanila ang tatlong black bag; isang pulang backpack, isang ( sling bag; isang pirasong upper garment pixelated green for Special Action Force; isang pirasong lower garment short pant desert storm; pitong pirasong sterilized acupuncture needles; isang puting android CP cherry mobile na may simcard; isang itim na flashlight; isang piraso ng plastic na lunchbox; stainless razor blade; dalawang piraso ng alcohol sprayer; iba’t ibang uri ng mga gamot, papel/notebook na may mga code number/call signs at mga
subersibong dokumento na pinaniniwalaang ginagamit sa kanilang pangangalap.
Ang dalawang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Section 10 (Recruitment to and Membership in a Terrorist Organization) sa ilalim ng Republic Act 11479.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon