2 patay, 3 sugatan sa pagkahulog sa tulay ng isang pick-up truck sa LU

CABA, La Union – Nagluluksa ang mga pamilya ng mga namatay na empleyado ng isang power energy service company matapos mahulog ang sinasakyang pick-up truck ng kanilang mga mahal sa buhay sa isang tulay sa kahabaan ng national highway sa Barangay Gana, sa bayang ito noong Martes, Enero 5.
Kinilala ng pulis ang mga biktima na sina Lemuel Sebio, 32, isang residente ng Green Valley, Baguio City; at Mark Lardizabal, 49, residente ng Tuba, Benguet, parehong namatay, habang ang iba pang sakay na nakaligtas at nagtamo ng mga sugat ay sina Jay Nabus, 27, ang driver ng sasakyan, residente ng La Trinidad; Alexander Padilla, 26, residente ng Baguio City; at Norian Dagyapan, 37, residente ng Tuba, Benguet.
Ayon kay Caba Police Station investigator PSMSGT. Marco Dulnuan, ang mga biktima ay empleyado ng Hedcor Company na nakabase sa probinsiya ng Benguet. Base sa imbestigasyon ay sinubukan umano ng driver na si Nabus na iwasan ang pasalubong na motorsiklo na kinuha ang kanilang linya at nawalan ng kontrol sa manibela hanggang sa mahulog ito diretso sa isang tulay.
Ilang minute bago dumating ang rescue team at nahirapan sila sa pagrescue sa nasabing mga biktima na naipit sa nahulog na sasakyan. Sina Sebio at Lardizabal ay idineklarang “dead on the spot” dahil sa malubhang mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan.
EB/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon