2 SUNDALO PATAY, 4 SUGATAN NG TAMAAN NG KIDLAT SA KALINGA

PASIL, KALINGA

Hindi nakaligtas ang dalawang sundalo, habang apat ang sugatan, matapos tamaan ng kidlat sa kabundukan sa
pagitan ng Barangay Uma, Lubuagan at Barangay Balatoc, Pasil, Kalinga ,noong Mayo 12. Kinilala ang nasawi na sina CPL Andrew Monterubio, ng Gamu, Isabela at PFC Inmongog Arinchay,ng Sadanga, Mountain Province, na kapuwa nakatalaga sa 54th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division Philippine Army, na naka-base sa lalawigan ng Kalinga. Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang sugatang sina Sgt. Dennis Bananao ,ng Tanudan, Kalinga; Pfc. Melvin Danggalan, ng Paracelis, Mt. Province; Pfc. Abegil Awingan,ng Pinukpuk, Kalinga at Pfc. Riel Angya, ng Pasil,
Kalinga.

Ayon sa ulat ng 5th Infantry Division, nagsasagawa ang mga tauhan ng 54th IB ng pagtugis sa mga nalalabing mga kasapi ng rebeldeng CPP-NPA, nang maabutan sila ng malakas na pagbuhos ng ulan sa kabundukan. Kasabay ng malalakas na pagkulog at kidlat ay tinamaan ang dalawang sundalo ng malakas na boltahe ng kidlat na ikinasugat din ng apat pa nilang mga kasamahan. Agad naman na nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng 5th ID sa pangunguna ni Major General Audrey Pasia, commanding general, dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Bukod sa pamunuan ng 5ID ay bumuhos din ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing sundalo dahil sa kanilang
sakripisyo, dedikasyon at hangarin na mabigyan ng tahimik at mapayapang komunidad ang mga mamamayan kapalit man ng kanilang buhay.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon