2 tulak ng Maynila, timbog sa Baguio

BAGUIO CITY – Dalawang babae na drug personality sa Maynila ang nagtungo sa lungsod para ibenta ang 25 gramo ng shabu, ang natimbog sa buy-bust operation ng Baguio City Police Office (BCPO) sa may Purok 1,Barangay Dontogan, Baguio City.
Kinilala ni BCPO Director Glen Lonogan, ang nadakip na sina Azhel Pablo Salvador,19, ng Malate, Manila at nakatala bilang High Value Individual (HVI) at Angeline Mae Dominguez Delena,19, ng Pandacan, Manila at nakatala bilang Street Level Individual (SLI).
Ayon kay Lonogan, nakatransaksyon ng police asset ang mga suspek at nahikayat na magtungo sa Baguio City para sa bentahan ng shabu, na naganap dakong alas 6:00 ng gabi ng Hulyo 21.
Magkakasanib na tauhan ng BCPO, RID PROCOR, EOD/K9-COR, RACU-COR, RIU-14, at PDEA ang nagsagawa ng buy-bust operation at nakuha sa mga suspek ang isang transparent cellophane ng shabu na may timbang na 25 gramo at may DDB value na P170,000.00.
Napag-alaman sa imbestigasyon na si Salvador, alyas Esang, ay ginagamit ng kanyang ama na nakakulong sa New Bilibid Prison sa pagtutulak umano ng shabu.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon