20 anyos na babae, huli sa shoplifting

Nadakip ang isang babae matapos nasabat ng dalawang guwardiya ng isang department store sa Upper Magsaysay Avenue ang dalawang plastic bag ng mga items na hindi nabayaran dakong 5:30 ng hapon noong Setyembre 2, 2017.
Ang suspek ay kinilala sa pangalang Aira Acuin Rosas, 20, unemployed, at residente ng City Camp Central, Baguio City.
Sa imbestigasyon ay kinokolekta ng sekyu ng Tiongsan Bazar na si Marlon Amistoso Pitolan, 27, ang mga walang laman na grocery baskets nang napansin niya ang dalawang plastic bags na nakalagay sa harap ng isang cashier booth. Dahil hindi sigurado kung sino ang may-ari ay tinanong ng sekyu ang suspek na kakabayad lamang ng ilang items sa cashier.
Hiningan nito ng resibo para sa dalawang bag ang suspek ngunit wala itong naipakita. Sa kabila nito ay iginiit ng suspek na binayaran nito ang mga groceries sa cashier na nasa main entrance.
Dinala ng sekyu ang suspek sa itinuturo nitong pinagbayaran nito ngunit itinanggi ng cashier na sa kanya nagbayad ang suspek.
Ito ang nagbunsod kay Pitolan at kasama nitong sekyu na si Annabelle Solomon, 35, na gumawa ng inspection at inventory ng mga grocery items na napatunayan nilang nagmula sa kanilang supermarket.
Nakita rin sa CCTV footage ang suspek na kumukuha ng groceries at palihim na inilalagay ito sa dalawang puting plastic bag. Matapos nito ay binitbit niya ang mga bag at nagbayad ng ilang items sa cashier kung saan ito nasabat ng guwardiya.
Ang dalawang bag ay nakitang naglalaman ng mga delata, kape, asukal, sabon, toothpaste gatas, tinapay, palaman, mga pampalasa ng pagkain, noodles at iba pang grocery items na nagkakahalaga ng kabuuang P1,463.60.

Amianan Balita Ngayon