21 ‘narco-politicians’ sa Abra, sinisiyasat

BANGUED, ABRA – Sinisiyasat ng isang inter-agency group ang diumano ay pagkakadawit ng 21 na opisyal ng probinsya sa ilegal na droga matapos na maisama ang mga ito sa pinakahuling listahan ng Malacañang ng mga narco-politicians.
Halos 60 porsyento ng nakalistang narco-politicians ay nasa barangay level habang ang iba ay nasa mas matataas na posisyon, ayon kay Julius Paderes, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Abra provincial director, sa naganap na Joint Regional Development Council-Regional Peace and Order Council (RDC-RPOC) noong Nobyembre 15.
Aniya, ang listahan ay ipinasa sa kanila ng PDEA-Cordillera regional office kasama ang utos na suriin ang mga nailistang pangalan at ang kaugnayan ng mga ito sa paglipana ng ilegal na droga sa probinsya.
“We will come up with pieces of evidence to prove or dispute the existence of the names in the list,” ani Paderes sa mga miyembro ng RDC-RPOC.
Aniya, dahil ang mga pangalan ay nagmula kay Pangulong Rodrigo Duterte, kailangan nilang magsikap upang makapagbigay ng wastong tugon sa Presidente.
Dagdag niya, ang pagpapatunay ay ginagawa sa tulong ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Iminungkahi naman ni Baguio City Mayor at RDC-RPOC Chairman Mauricio Domogan sa PDEA na gawin ang lahat ng makakaya upang mapatunayan ang listahan at masiguro na ang mga wala talagang kaugnayan sa illegal na droga ay malinis ang rekord at maalis sa listahan.
“It is unfair to submit names of persons, especially if there is no definiteness in their involvement,” ani Domogan.
Sa unang ilang buwan ng panunungkulan ni Duterte, 79 na pangalan ng mga indibidwal mula sa Cordillera ang nadawit sa illegal na droga at isinailalim sa validation. Ang ilan ay sumuko upang maisama sa rehabilitation program ng gobyerno at patuloy na sinusubaybayan sa pagsunod sa reformation program. Ang mga ito ay naideklara nang cleared, downgraded o delisted.
Sa naturang pagpupulong ay hiniling din ng PDEA sa RDC-RPOC na ipaalam sa local government units ng rehiyon na kailangan ang suporta nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na impormasyon para sa paglaban sa illegal na droga.
Ipinahawak ni Duterte ang “war on drugs” sa PDEA, habang ang PNP ay nakasuporta na lamang. Ngunit sa 81 lamang na PDEA personnel sa Cordillera ay kinakailangan ng aktibong pakikipagtulungan ng komunidad sa anti-drug campaign. PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon