22 katao sugatan sa jeep na nawalan ng preno sa Ifugao

Nagtamo ng serious physical injuries ang driver ng isang jeep habang 21 mula sa 22 nitong pasahero ay nagtamo ng bahagya o hindi malubhang pinsala matapos na ang kanilang sinasakyan ay nawalan ng preno, 4:30pm ng April 9, 2018 sa Nun-Olpad, Namulditan, Hingyon, Ifugao.
Sa ulat ng Ifugao Provincial Police, ang galvanized Isuzu Jitney Public Utility Vehicle na may plakang AYA 372, pag-aari ni Eddie Sadamo at minamaneho ni Daniel Dogwe Pugong, 54anyos, may-asawa, kapwa residente ng Amganad, Banaue, Ifugao, ay pababa na tinatahak ang National Road mula sa Banaue, Ifugao papunta sa Solano, Nueva Vizcaya.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Wilfred B. Kimayong, chief investigator ng Hingyon Police Station, habang nasa dako ng Nun-Olpad ay napansin ng driver na nawalan ng brake ang sasakyan kaya sumigaw ito sa mga pasahero na kumapit.
Sinubukan nitong imaneho ang sasakyan sa gilid ng kalsada upang sadyain na isayad ang gulong sa nakabukas na kanal para bumagal ang takbo nito ngunit lumagpas ang jeep sa kanal at bumangga sa waiting shed sa tabi ng kalsada.
Rumesponde ang mga miyembro ng Hingyon Municipal Police Station, MDRMMC at ilang residente at binigyan ng paunang lunas ang mga nasugatan bago dinala ang mga ito sa Ifugao Provincial Hospital.
Ang sasakyan ay nagtamo ng pinsala sa harapan nito.

Amianan Balita Ngayon