3 hitman patay sa Abra

BANGUED, Abra – Tatlong miyembro ng pinaniniwalaang gun for hire ang napatay sa shoot out ng pulisya at nakitaan ng litrato ng isang police officer at isang sibilyan na kanila sanang lilikidahin noong madaling araw ng Huwebes, Hulyo 11, 2019 sa Barangay Cosili, Bangued, Abra.
Nabatid kay Police Regional Office-Cordillera (PROCOR) regional director Israel Ephraim Dickson na habang nagpapatrulya ang tauhan ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB), naobserbahan nila ang tatlong kalalakihan na kahina-hinalang paikot-ikot sa may Zone 7 sa nasabing bayan.
Agad na pinahinto ang tricycle sa police checkpoint sa Barangay Aggad, subalit kumaripas ito ng pagpapatakbo at pinaputukan ang humahabol na tauhan ng RMFB at nagkaroon ng running gun battle.
Ayon sa report, nag kanya-kanyang takbuhan ang mga suspek paghinto ng tricycle sa Barangay Cosili habang patuloy ang palitan ng putok, at bumulagta ang mga suspek.
Nakilala ang mga suspek na sina Michael Gonzales, 40, tricycle driver, ng Barangay Lubong, Bangued, Abra, na kalalaya lamang sa kulungan noong Enero 2019 sa ilalim ng plea bargaining agreement sa kasong paglabag nito sa Republic Act 9165; Ariel Vasquez Isao, 29, tubong Barangay Arad, Pidigan, Abra at nakatira sa Barangay Sta. Rosa, Bangued, Abra, na may kasong paglabag sa Republic Act 10591 at nakalaya lamang sa pamamagitan ng piyansa; at si Glenford Soria Agaid, 30, na parolado sa kasong Homicide.
Nakuha ng pulisya sa katawan ni Isao ang litrato ng isang police officer at litrato ni Clarence Valera, na pinaniniwalaang target umano ng mga suspek.
Ang mga suspek ay armado ng customized Cal.45 at 9mm pistol at nakuha din sa katawan nina Isao at Agaid ang sachet ng hinihinalang shabu.
Sa naganap na insidente, naniniwala si Dickson na hindi pa lubos na nasusugpo ang notorious business at illegal drugs personality sa lalawigan ng Abra, kaya’t hinihiling nito sa provincial at municipal Peace and Order Councils (POCs) at Anti-Drug Abuse Councils (ADACs) na maging alerto, paigtingin ang kampanya at gumawa ng epektibong action plan laban sa guns-for-hire at illegal drugs.
 
Zaldy Comanda/Ace Alegre/ABN

Amianan Balita Ngayon