3 holdaper, patay sa Pangasinan

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO, LA UNION – Patay ang tatlong holdaper sa mga nagpapatrulyang Special Weapons and Tactics (SWAT) team sa Barangay Nancamaliran East, Urdaneta City, Pangasinan dakong 1:30 ng madaling araw noong Agosto 8, 2018.
Ayon kay Police Superintendent Rollyfer J. Capoquian, hepe ng Urdaneta City Police Station, ang biktimang si Jesus Martinez De Guzman, residente ng Barangay Mabanogbog, Urdaneta City, ay minamaneho ang kanyang Pinoy 155 motorized tricycle nang bigla itong pinahinto ng tatlong armadong lalaki na lulan ng isang Honda TMX 155 motorized tricycle at nagdeklara ng hold-up.
Sa pahayag ni De Guzman, napilitan itong ibinigay ang kanyang mga gamit nang ilang beses nagpaputok ng baril ang mga suspek.
Iniwan ng mga suspek ang kanilang tricycle at sapilitang kinuha ang tricycle ng biktima na ginamit nilang getaway vehicle.
Nagkataon namang nagpapatrulya ang SWAT team sa naturang barangay kaya agad na nagpatulong ang biktima.
Hinabol ng SWAT team ang tumatakas na mga suspek ngunit nang makarating sa bypass road ng Nancamaliran East ay nagpaputok ng baril ang mga suspek na nagbunsod upang gumanti ang SWAT team at nagresulta sa pagkamatay ng tatlong suspek.
Narekober ang Pinoy 155 motorized tricycle; dalawang kalibre 9mm pistol; at isang kalibre 45 pistol, kasama ang mga basyo ng bala sa crime scene.
Samantala, ang Honda TMX 155 tricycle na ginamit ng mga suspek ay pinaniniwalaang ninakaw mula sa Asingan, Pangasinan.
Iniutos naman ni Police Chief Superintendent Romulo E. Sapitula, regional director, ang masusing imbestigasyon sa insidente at pagsasagawa ng Regional Crime Laboratory Office 1 ng ballistics examination at cross matching sa mga nakuhang armas upang matukoy kung nagamit ang mga ito sa iba pang krimen. ABN

Amianan Balita Ngayon