3 probinsiya sa Cordillera, drug-free na

LA TRINIDAD, BENGUET – Tatlo sa anim na probinsiya sa rehiyong Cordillera ang idineklarang drug-free.
Idineklara ng Cordillera Police na ang Apayao, Ifugao at Mountain Province ay malinis na sa droga ngunit natitira pa rin ang Kalinga, Abra, Benguet at dalawang siyudad na Tabuk at Baguio na patuloy pa ring nililinis ang pagkakaroon ng droga sa kanilang mga komunidad.
Mismong si Philippine National Police director general Ronald dela Rosa ang naggawad ng seal of drug-free provinces noong selebrasyon ng 116th Police Service Anniversary noong Oktubre 6.
Pinirmahan ni Dela Rosa kasama ang mga governor ng mga “drug-free” provinces ang pledge of commitment sa PDEA Cordillera Director, DILG at ang Department of Health (DOH). Sa nasabing pledge of commitment ay nakasaad na kailangang panatilihin ng mga nasabing probinsiya ang kanilang kalagayan bilang drug-cleared province at suportahan ang implementasyon ng iba’t ibang aktibidad at programa gaya ng implementasyon ng sustainable livelihood projects gaya ng reintegration program sa dating mga biktima ng droga; ang pagsasagawa ng counselling activities sa komunidad at mga pamilya ng nasabing personalidad; magsagawa ng lectures at programs sa masamang epekto ng abuso sa droga; at implementasyon ng mga hakbang upang mapigilan ang abuso sa droga.
Binigyang pansin din na ang mga drug-cleared provinces ay ipagpapatuloy ang pinaigting at walang tigil na kampanya laban sa illegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Cordillera.
Napanatili ng Apayao, Ifugao at Mountain Province ang kanilang drug-cleared status mula pa sa unang deklarasyon noong Disyembre 2016.
Nangako ang Cordillera police na patuloy nitong imomonitor ang tatlong probinsiya at titiyaking ang mga hakbang ay maipapatupad. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon