38 bayan, lungsod sa Ilocos nasa election watchlist

SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Inilagay ng Philippine National Police – Regional Office sa Ilocos Region (PRO1) ang 38 bayan at lungsod sa rehiyon sa ilalim ng election watchlist areas (EWAs).
Sinabi ni Supt. Mary Crystal Peralta, police information officer ng PRO-1, na ang Pangasinan, La Union at Ilocos Norte ay may tig-walong bayan at lungsod na EWAs habang 14 naman sa Ilocos Sur.
“Most of the town and cities are under category 1 or areas of concern while two from La Union, specifically Sudipen and Balaoan, are placed in category 3 or areas of grave concern because of the recent incidents involving electoral candidates,” ani Peralta sa isang panayam noong Enero 16.
Ayon pa kay Peralta, ang 11 mula sa Ilocos Sur at Ilocos Norte ay nasa kategoryang “areas of immediate concern” o nasa ilalim ng category 2 dahil sa matinding pagkakaribal noong nakaraan at sa halalan ngayong taon. Ang listahan ng EWAs at categorization ay ibinase sa mga balidong ulat mula sa intelligence commission at intelligence community ng police.
Bagaman sapat na ang bilang ng Regional Mobile Force Battalion upang bantayan ang halalan sa buong rehiyon ay sinabi ni Peralta na maaari pa ring pumasok ang augmentation forces mula sa ibang rehiyon.
“Bukas po kami sa karagdagang tropa dahil nais naming maging ligtas at mabantayan ang halalan sa rehiyon,” aniya.
Samantala ay ipinagbibigay-alam at pinayuhan ni Peralta ang mga residente sa rehiyon na asahan nila ang pinaigting na “checkpoints” at iba pang police operations mula nang mag-umpisa ang election period noong Enero 13, lalo na sa Sudipen at Balaoan sa La Union.
“Huwag silang matakot sa checkpoints at huwag din magalit, lalong huwag nilang i-evade ang checkpoints, instead maki-cooperate na lang,” ani Peralta.
Hinimok din niya ang mamamayan na maging mapagmasid at iulat ang anumang di-kanais nais na insidente sa kanilang lugar.
“As of now, it is generally peaceful in the region. We hope this would be maintained all throughout the election period until June 12, or even after the elections,” dagdag ni Peralta.
Lumahok ang mga kandidato, mga opisyal ng police, Comelec election officers at iba pang opisyal ng gobyerno sa rehiyon sa unity walk at peace covenant signing na sabay-sabay na isinagawa sa buong bansa noong Enero 13 para ipakita ang kanilang suporta sa isang ligtas at pantay na halalan.
Kaugnay nito ay sinabi ni Insp. Ria Tacderan, police information officer ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), na 95 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga kandidato sa probinsiya ay dumalo sa aktibidad.
Ipinagdiinan naman ni Chief Supt. Romulo Sapitula, PRO-1 police director, na layon nila ang zero-casualty sa panahon ng halalan.
H.AUSTRIA, PNA/PMCJ/ABN

Amianan Balita Ngayon