4 na sasakyan, nagkarambola

Tatlong nakaparadang sasakyan ang nagsalpukan matapos na nabangga ng Ford Fiesta na minamaneho ng isang 65 anyos na lalaki ang nakaparadang Pajero na nagbunsod upang matamaan din ang likod ng isa pang sasakyan na sumalpok naman sa isang motorsiklo noong Oktubre 3, 2017 sa dako ng Leonard Wood Road, Baguio City.
Sa ulat ng pulis, ang Ford Fiesta na may plakang UQE-645 ay minamaneho ni Ricardo P. Benitez, 65, may-asawa, at residente ng Bagong Bayan St, Salud Mitra, Baguio City. Nabunggo nito ang noon ay nakaparadang Mitsubishi Pajero ni Roger Linglingon Nafianog, 44, may-asawa, isang clerk sa korte, at residente ng Apugan, Loakan, Baguio City.
Ayon sa imbestigasyon, nanggaling ang Ford Fiesta mula sa Teachers Camp at papunta sa city proper nang lumihis ito papunta sa kanang bahagi ng kalsada at nabunggo ang Pajero. Dahil sa lakas ng pagsalpok ay nabunggo ng Ford Fiesta ang likuran ng nakaparada sa harap nito na Toyota Yaris na may plakang ZJM-159 ni Ma Alyssa Arivalo Uy, 27, may-asawa, negosyante, at residente ng Siapno Road, Pacdal, Baguio City. Dahil pa rin sa lakas ng pagkabunggo ay sumalpok din ang Toyota Yariz sa nakaparadang motorsiklo na may plakang 9563-PS.
Ang apat na sasakyan ay nagtamo ng hindi pa malamang halaga ng pinsala habang si Benitez ay dinala sa Notre Dame Hospital upang mabigyan ng medikal na atensyon.
Kinumpiska ng mga rumespondeng pulis trapiko ang mga driver’s license at resibo ng mga sasakyan.

Amianan Balita Ngayon