5 health specialty centers itatayo sa Baguio

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Hindi na kailangang pumunta ang mga pasyente mula sa Hilagang Luzon sa Metro Manila upang kumuha ng mga serbisyong medikal sa oras na mag-umpisa ang operasyon ng limang specialty centers sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC).

Sinabi ni Dr. Ricardo Runez, chief of hospital ng BGHMC noong Martes na isang kidney center, lung center, brain center, trauma center at heart center – lahat sa loob ng 25 ektaryang BGHMC reservation – ang makukumpleto sa 2021.

Sinabi niya na ang tatlongtaon na development program ay nag-umpisa noong 2018 at nasa ikalawang taon na, na may konstruksiyon ng ilang gusali para sa specialty centers. Isang parking building ang itinatayo rin upang maiwasan ang paggamit ng mga daan bilang paradahan.

“We are moving toward the direction that all specialties will already be available here [at BGHMC] so that patients need not go to Manila just to receive specialized medical attention,” ani Runez.

Ang catheterization laboratory (cath lab) ng BGHMC, na magiging bahagi ng heart center ay nakatakdang pormal na bubuksan sa susunod na buwan. Sa laboratory ay isasagawa ang surgery procedures para sa mga pasyente na kinakailangang tanggalin ang bara sa artery ng puso.

Nakatayo ang ospital sa limang ektarya ng BGHMC reservation habang nasa 7.5 ektarya ay inookupahan ng mga pamila ng informal settlers, ani Runez. Ang iba ay tinukoy bilang forestry at watershed areas.

Sakop ng development expansion ng BGHMC ang 2.5 ektarya. Itinaas ang bed capacity ng ospital sa 800 noong 2018 mula sa dating 500.

Tumatanggap ang ospital ng nasa 1,500outpatients araw-araw o mahigit 400,000 sa isang taon at isang average na 40,000 in-patients bawat taon, ani Runez.

Sinabi ni Runez na noong 2018 ay ipinakita sa datos na 44 porsiyento ng mga pasyente ay mga residente ng Baguio, 21.38 porsiyento mula sa Benguet, 19.4 porsiyento mula Pangasinan, 4.52 porsiyento mula La Union, 2.07 porsiyento mula Nueva Ecija, 1.76 porsiyento mula Mountain Province, 1.13 porsiyento mula Nueva Vizcaya, 0.98 porsiyento mula Ifugao, at 4.4 porsiyento mula sa ibang probinsiya, kabilang ang mula sa Region 3.

Nasa 90 porsiyento ng mga pasyente nito ay mahihirap, kung saan may subsidiya ang gobyerno na nasa PhP400 milyon para sa mahihirap na pasyente.

Sa oras na makumpleto development, ang kasalukuyang 1,500 personnel ay itataas sa 3,000 – ang personnel requirement na isinumite bago ang umpisahan ang three-year development plan, at inaprubahan ng Department of Health.

 

PNA/PMCJr.-ABN