5 MARKET COLLECTOR KINASUHAN NG MULTIPLE MALVERSATION

BAGUIO CITY – “Dapat silang makulong, milyong piso ang nawala sa kaban ng bayan dahil sa kanilang katiwalian sa pamamagitan ng pandadaya sa resibo ng gobyerno,” ito ang binitawang salita ni Mayor Benjamin Magalong, laban sa limang empleyado sa siyudad ng Baguio.
Kasama ni Magalong si Marieta Alvarez, officer in charge, City Market Division at Col.Glenn Lonogan, city director ng Baguio City Police Office sa pagsasampa ng kasong Multiple Counts of Malversation thru Falsification of Public Documents at Multiple Counts of Falsification by Public Officer sa City Prosecutor Office noong Hulyo 20.
Ang mga kinasuhan ay sina Jonathan Lubina,42, market supervisor; Randy Ricana, revenue collector, clerk II; Benjie Chocyogen,41; Gerald
Rimando, 45 at Noel Flora,59, na pawang nakatalaga sa city market division sa ilalim ng pamamahala ng City Treasurer sa isinampang kaso ay nag-ugat sa pagkatuklas ng mga tampered na duplicate na resibo na nagresulta pa sa mga pagtuklas ng mas maraming pekeng resibo na kinasasangkutan ng mga nabanggit na respondent.
Sa pagsasagawa ng imbestigasyon, ibinunyag ng ilan sa mga sangkot na kolektor na ang kanilang market supervisor na si Jonathan Lubina ang nag-udyok sa pakikialam sa mga resibo upang makinabang ang kanilang mga sarili sa kinita ng mga tampered na resibo.
Dahil dito, sinimulan ni Alvarez ang paghahanap sa naunang isinumite na Daily Statement of Collections and Accountable Forms (DSCAF) na nararapat na nilagdaan ng duty supervisor na nagresulta sa pagkatuklas ng huwad na ulat ng DSCAF na nilagdaan ni Lubina.
Natuklasan ni Alvarez ang pakikialam sa duplicate na kopya ng mga resibo na ginawa ni Ricana na hindi nagremit ng eksaktong halaga na binayaran ng isang merchant sa pamamagitan ng pagdeklara ng maling halaga ng binayaran sa duplicated na kopya ng opisyal na resibo.
Ayon kay Magalong, tinatayang aabot sa P50 milyon ang nawala sa kaban ng bayan sa nakalipas na 10 taon mula sa market collections dulot ng pag-tampered o’ padding ng mga resibo ng gobyerno mula sa sabwatan ng mga kinasuhang empleyado.
Aniya, mas matindi ang sindikato ng corruption ngayon dahil mismong resibo na ang gobyerno ang dinadaya. Hinalimbawa ni Magalong na mula sa isang collector ay nadiskubre na mula sa original copy ng resibo na nagbayad ng P3,000 na inisyu sa isang merchant,pero sa duplicate copy na isusumite nito sa treasurer office ay P120 lamang.
Sinabi pa ni Magalong na aabot sa 20 empleyado ang kakasuhan ng graft and corruption, habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BCPO, makaraang boluntaryong nagsumite ng mga resibo ang mga merchant ng city market para beripikahin kung tugma ang halaga na nakalagay sa duplicate copy.
“Matagal na itong corruption na nangyayari, katunayan may mga sangkot na nag-retire na pero kakasasuhan pa rin namin sila. Next week kapag nakuha na naming ang mga detalye ay anim pa aming kakasuhan,” pahayag pa ni Magalong.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon