5 nakaligtas sa peligro sa truck na nahulog sa bangin

Police Patrol

LA TRINIDAD, BENGUET – Limang pasahero ng isang Izuzu Elf truck ang nakaligtas sa kamatayan matapos na ang truck ay paatras na nahulog at gumulong sa 10 metrong kalalim na bangin sa Sagada-Bontoc national road ng sitio Bakan, Antadao, Sagada, Mt. Province noong umaga ng Enero 17.

Sina Benjamin Galiano Gioken, 33; Marlon Tagtag Maing, 38; Jeoffrey Anasan Pallid, 39; Roger Yamyam Pagatpatan, 47; at truck driver na si Jello Vicente Duyapat, 33; pawang mula sa Lenga, Tadian, Mountain Province, ay isinugod sa Bontoc General Hospital dahil sa mga natamo nilang pinsala.

Ayon sa ulat ng pulis, ang truck ay paakyat sa kalsada patungo sa bayan ng Sagada nang nag-overheat ang radiator nito. Inihinto ni Duyapat ang truck at nang suriin ito ay nakitang hindi gumagana ang radiator fan kaya dinala ito sa isang repair shop.

Ngunit habang patungo sa Bontoc ay nawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver kaya gumulong ang truck sa bangin.

Agad dinala ng mga rumespondeng pulis at rescuers ang limang biktima sa ospital matapos na inahon ang mga ito sa sasakyan.

Samantala, gabi ng parehong araw ay isang helper ng truck na puno ng mga gulay na patungo sana sa Manila ay dinala sa ospital matapos na tumama sa isang highway parapet ang truck at tumagilid sa Bawek, Taloy Sur, Tuba, Benguet.

Isa sa mga gulong ng Isuzu Elf truck na may plakang AAV 6989, pag-aari ni Rose Anne Ramos ng San Antonio, Florida Blanca, Pampanga, at minamaneho ni Elpidio Cuarisma Acoba Jr., 39, ng Km 10, Shilan, La Trinidad, Benguet, ay pumutok na nagbunsod upang mawalan ng kontrol sa sasakyan ang driver.

Si Marilon Poblete Ramos, 24 ng Purok 2, Bangkal, Guagua, Pampanga ay nasaktan sa likod nito at dinala sa Baguio General Hospital.

Kinuha ng mga pulis ang lisensya ni Acoba at registration papers ng truck.