5 transporter ng marijuana, huli sa checkpoint

LA TRINIDAD,Benguet – Limang courier ng pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang halagang P3,882,000.00 ang magkahiwalay na nadakip ng pulisya sa checkpoint, ayon sa ulat ng Mountain Province Provincial Police.
Nabatid kay Police Major Carol Lacuata, regional information officer ng Police Regional Office-Cordillera, na unang nadakip si Eliterio Celada Pazon, 25, free-lancer video editor ng Sta. Rita, Barangay Guiguinto, Bulacan, habang sakay ng isang utility vehicle, nang harangin ng pulisya sa may Sitio Nacagang, Barangay Tambingan, Sabangan, Mountain Province.
Nakuha sa kanyang backpack at nakabalot sa itim na cellophane ang 10 laryo na dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,182,000.00 base sa dangerous drug board value.
Dalawang 17 taong gulang na mga menor de edad mula sa Sampaloc St., Doña Nicosia Subdivision, Barangay Commonwealth, Quezon City ang nasakote din sa checkpoint habang lulan ng bus sa may Sitio Paleng, Barangay, Lagan, Sabangan, Mountain Province.
Nakuha sa kanila ang apat na laryo ng marijuana na nagkakahalaga ng P480,000.00. Dalawang pasahero din ng bus na sina Jay R. Farala, 22 at Joshua Brylle Dela Paz, 23, ng Cruz St. Parang, Marikina City ang dinakip habang lulan ng bus sa may Poblacion, Bontoc, Mountain Province at nahulihan ng 12.95 kilo ng mga tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,500,000.00.
Narekober naman ng pulisya ang abandonadong 4 na laryo ng dahon ng marijuana at dalawang tubular marijuana leaves na nagkakahalaga ng P720,000. 00 sa may Bontoc – Kalinga Road, Sitio Cheka-a, Bontoc Ili, Bontoc, Mountain Province.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon