5,166 streetlights kailangan pa sa CBD

LUNGSOD NG BAGUIO – Kailangan pa ng lungsod ng 5,166 street at parklight units para sa central business district (CBD) kabilang ang interior at mga alley nito para makamit ang isang
ligtas o komprehensibong street lighting status sa nasabing mga lugar.
Ito ay sa pagharap ng lungsod sa mahirap na kalagayan sa pamamahala ng nasa 10,000 streetlight matapos ibalik ng Benguet Electric Cooperative Inc. (BENECO) sa pamahalaang lungsod ang
responsibilidad noong Pebrero 26.
Sinabi ni city engineer Victorio Olpindo sa isang briefing sa susunod na mga opisyal ng lungsod sa pamumuno ni Mayor-elect Benjamin Magalong na patuloy na aapila ang lungsod sa BENECO para ikonsidera ang kanilang hakbang dahil sa walang nakahandang manpower o budget ang lungsod para sa nasabing trabaho.
Sinabi ni Olpindo na kasalukuyang tinitimbang ang kanilang mga option para sa Light Emitting Diode (LED) technology conversion project kung saan gagawin ba ito sa pamamagitan ng Private-Public Partnership (PPP) scheme o gagawin ito ng administrasyon kung saan direktang bibili ang lungsod ng mga unit “by phase” sa loob ng limang taon sa halagang PhP40 milyon bawat taong budget.
Sinabi ni city budget officer Leticia Clemente na tumanggap ang lungsod ng unsolicited proposal mula sa isang Taiwanese company para sa conversion ng lahat ng mga kasalukuyang streetlight, park light at government-owned building at facility sa Light Emitting Diode (LED) technology at para sa maintenance nito sa ilalim ng PPP scheme at ito ay isinumite ng lungsod sa PPP Center para sa evaluation.
Subalit ang proseso ay tatagal ng hanggang walong buwan ayon kay Clemente.
Samantala, maghahanap ang lungsod ng pondo para maipagpatuloy ang mga Light Emitting Diode (LED) pocket conversion at maintenance work.
Iniulat ni Olpindo na may kabuuang 1,019 LED unit ang naikabit mula 2014 sa ilalim ng pocket implementation ng LED conversion project sa mga napiling lugar.
Ang mga LED streetlight ay naikabit sa Session Road, Upper Magsaysay Road, Abanao St. at Harrison Road habang ang mga park light ay ikinabit sa Rose Garden, Wright Park, Heritage Hill, BGH Rotunda, Japanese Tunnel sa Botanical, Upper Rizal Park, at sa City Hall Park.
Sa ibabaw ng mga nasabing unit ay may kabuuang 8,701 unmetered lighting fixture ang lungsod na nakakabit sa mga kalye at alley sa iba’t-ibang barangay na kailangan pang i-convert sa mga LED unit.
 
APR-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon