BAGUIO CITY
Iniulat ng City Health Services Office ang pagtaaas ng bilang ng mga namatay sa sakit na kanser na 566 katao noong
taong 2024, kumpara sa 466 noong 2023. Binigyan-diin ni Dr. Ana Marie R. Banta,Cancer Control Program Manager ng CHSO, sa ginanap na City Hall Hour kamakailan, ang kahalagahan ng Cancer Control Program sa
konteksto ng pagdiriwang ng National Cancer Awareness Month na may temang “United by Unique” noong Pebrero 12. Ayon kay Banta, ang kanser ay pangalawang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Baguio City mula 2022 hanggang 2024.
Tumaas ang bilang ng mga namatay mula sa kanser mula 409 noong 2022, 466 noong 2023, at 566 noong 2024, batay sa mga death certificates na nilagdaan ng CHSO. Ipinakita rin ni Dr. Banta ang pagbabago sa mga
pangunahing uri ng kanser. Noong 2022, ang nangungunang organ na naapektuhan ay ang baga, kasunod ang suso at colon. Ngunit noong 2023, ang breast cancer ang nanguna, sinundan ng lung at blood cancers.
Binanggit niya na ang breast cancer ay hindi lamang problema ng mga kababaihan, kundi pati na rin ng mga lalaki.
Para sa pampublikong kalusugan, binigyang-diin ni Dr. Banta ang pagtaas ng kamalayan tungkol sa mga sintomas ng kanser, kabilang ang pagbagsak ng timbang, mabilis na pagkapagod, pananakit ng katawan, at pagkakaroon ng mga bukol. “Mahalagang magpacheck up upang malaman kung ito ay kanser,” aniya. Sa kabila ng stigma na dulot ng kanser bilang “death sentence,” sinabi ni Dr. Banta na may mga programa ang gobyerno na naglalayong mabawasan ang gastos sa paggamot.
Kabilang dito ang Cancer Assistance Fund (CAF) at Cancer and Supportive-Palliative Medicine Access Program, na parehong available sa Baguio General Hospital at Baguio Medical Center. Bilang bahagi ng prevention efforts, naipatupad ang National Integrated Cancer Control Act noong Nobyembre 2024, na inaprubahan sa ilalim ng Baguio Integrated Cancer Control Program. Ang lungsod ay nagsasagawa rin ng city-wide screening para sa breast at cervical cancer sa 16 health centers. Mahalaga rin ang tatlong hakbang mula sa Department of Health para sa prevention: Tamang Pagkain, Ehersisyo, at Disiplina (T.E.D.).
Hinihikayat ng CHSO ang lahat na suportahan ang Cancer Awareness and Screening Drive sa Pebrero 24, 2025, mula 9 AM hanggang 3 PM sa Malcolm Square. Ang kaganapan ay magbibigay ng forum at libreng cancer screening, kabilang ang digital rectal exam, breast screening, cervical screening, at chest x-ray, na bukas para sa lahat, kahit hindi taga-Baguio. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ang Baguio City na labanan ang kanser at itaas ang kamalayan sa kalusugan ng komunidad.
Joshua Ebalane/UB-Intern
February 15, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025
March 22, 2025