6 NPA camps, nakubkob ng militar

Police Patrol

BAGUIO CITY – Anim na pinaniniwalaang kampo ng mga rebeldeng New People’s Army ang nakubkob ng mga sundalo, kasabay ang pagkakadiskubre sa kagamitan sa paggawa ng pampasabog sa lalawigan ng Kalinga.

Sa bulubunduking lugar sa masukal na kagubatan ng Balbalan, Kalinga ay nadiskubre ng mga tauhan ng 50th Infantry Battalion ng Philippine Army ang isa sa anim na kuta ng rebeldeng NPA.

Nadiskubre ang mga iniwang kagamitan at walong fuse na ginagamit sa paggawa ng pampasabog. Napag-alaman na tatlong beses na naka-engkwentro ng mga sundalo ang mga rebelde sa lugar noong nakaraang buwan.

Ayon kay Lt.Colonel Gulliver Senires, commanding officer ng 50th IB, anim na NPA camp sa Balbalan at Pinukpuk, Kalinga ang kanilang nakubkod at sinira noong nakaraang linggo.

Resulta umano ito ng kanilang patuloy na operasyon laban sa mga rebelde at pagkakapatay sa isang lider na si Humide Miguel, alyas Marcial, at pagsuko ng isang amasona.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang operasyon ng militar sa mga lugar na pinagkukutaan ng mga rebelde sa rehiyon ng Cordillera. ZALDY COMANDA