7 anyos na bata, nalunod sa kaniyang kaarawan

ITOGON, BENGUET – Nalunod ang isang pitong taong gulang na batang lalaki sa mismong kaarawan nito, bandang 2:30pm sa pool ng isang private resort ng Itogon, Benguet noong November 18.

Nalunod si Jian Cayapa, mula Binanga Norte, Tuding, matapos itong sumama sa kaniyang mga kapatid sa isang adult pool sa Mountain View Resort, Poblacion, Itogon na hindi napansin ng kaniyang ina na nasa kiddie pool.

Sinabi ng mga magulang ng bata sa mga imbestigador na kahit nilapatan nila ng CPR ang bata ay bigo silang i-revive ang anak.

Ang bata ay agad dinala ng Itogon town ambulance sa Notre Dame Chartres Hospital sa Baguio City subalit hindi na nito narating nang buhay ang pagamutan at idineklara itong patay ni physician Arlene Therese Baguilat.

Samantala, isang 63-anyos na magsasaka ang nakitang walang buhay sa sarili nitong fishpond sa Sitio Minanga, Sta. Maria, Alfonso Lista, bayan ng Ifugao, umaga ng November 20.

Iniulat ni Linda Gochayna Lista, empleyado ng RTC Branch 15 ng Alfonso Lista, Ifugao at residente ng Sta. Maria, sa mga pulis na nakita ang kaniyang stepfather na si Alvino Jimmapa Lawagan, na walang buhay sa sarili nitong fishpond.

Napag-alaman ng mga imbestigador na huling nakita ang biktima hapon ng November 16 na nakasakay sa kaniyang motorsiklo sa Alfonso Lista public market ng kaniyang apo na si Edwin Prudenciano Gochayna, 24, at ipinaalam sa kaniyang pupunta ito sa kaniyang fishpond.

Kinabukasan, nagtataka ang pamilya ng biktima kung bakit hindi ito umuwi.

Nadiskubre ng apo ang katawan ng biktima na lumulutang sa kanilang fishpond noong Sabado.

Isiniwalat din ng mga kamag-anak ng biktima na madalas itong makaramdam ng chest pains subalit tumatangging magpa-medical checkup. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon