7 buyer ng marijuana, timbog sa checkpoint

LA TRINIDAD, Benguet – Pitong buyer ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang P3.9 milyon, ang nasakote sa magkahiwalay na checkpoint ng pulisya sa bayan ng Banaue, Ifugao at Tabuk City, Kalinga, ayon sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera.

Ayon sa ulat ni Police regional director Israel Dickson, ang mga nadakip na suspek ay pawang mga dayuhan na bumili ng dried marijuana sa lugar at sa tulong ng mga concerned citizen ay nasakote ito sa mga police checkpoint.

Aniya, hindi maikakaila na patuloy pa rin ang pagtatanim ng marijuana sa nabanggit na lalawigan, sa kabila ng patuloy na marijuana eradication na isinasagawa ng magkakasanib na puwersa ng kapulisan at military.

Sa ulat ng Banaue Municipal Police Station, sina Jerick Crisostomo, 36, ng Tondo, Manila; Reniel Espinosa, 23; Daniel Tejada, 22, ng Taguig City; Titus Tallada, 20; Joshua Dacillo,19; Reynaldo Jerez, Jr.,19, ng San Jose del Monte, Bulacan; at isang 17-year old male student, ay sakay ng pampasaherong bus mula Sagada,Mountain Province, patungong Cubao City, nang pahintuin sa checkpoint ng pulisya sa may Barangay Viewpoint, Banaue.

Sa inspeksyun, narekober ng pulisya mula sa mga dalang bag ng mga suspek ang 14 bricks at 4 tubular dried marijuana leaves na may halagang P2,015,880.00.

Sa Kalinga, ang dalawang drug carrier na sina Delfher Abancia, 24 at Zamiet Galo, 22, ng Adriatico St., Malate, Manila lulan ng bus patungong Maynila, ay nasakote sa checkpoint sa Talaca, Agbannawag, Tabuk City at nakuha sa kanila ang 15 bricks at stalks ng dried marijuana leaves, na may halagang P1,882,770.00.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon