77 drug personalities, tinukoy ng RPOC-CAR

Metro BLISTT

Tinukoy ng Regional Peace and Order Council-Cordillera Administrative Region (RPOC-CAR) sa pakikipatulungan ng police at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 77 sa 79 drug personalities sa rehiyon na kabilang sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Mayor Mauricio Domogan, na siya ring chairman ng RPOC-CAR, na nakatanggap siya ng kautusan mula sa Office of the President na magsumite ng ulat sa estado ng 79 drug personalities sa rehiyon bilang bahagi ng kampanya ng gobyerno laban sa illegal na droga.

Sinabi pa ni Domogan sa isang press briefing noong Lunes na natukoy nila ang 77 dahil boluntaryo silang sumuko sa awtoridad. Ang dalawang natititrang drug personalities ay kasalukuyang pinaghahanap sa pinag-ibayong intelligence operations.

Sa 77 drug personalities, apat ang mula Baguio. Kabilang sa listahan ang isang municipal mayor.

Inihayag ni Domogan na sa apat na drug personalities sa Baguio ay tatlo ang barangay kagawad habang ang isa ay miyembro ng hudikatura.

Ayon kay Domogan ang tatlong kagawad ay iimbitahan muli upang ipaliwanag ang kanilang sarili.

Ang ulat ay isusumite ng RPOC-CAR sa Office of the President bilang tugon sa direktiba ng Malakanyang.

Sinabi ni Domogan na “walang drug lords sa rehiyon at lungsod, drug pushers lamang.”

Hinamon niya ang mga tagapagtupad ng batas na hikayatin ang mga naunang sumuko na lumayo na sa illegal na gawain matapos madiskubreng ilan sa mga naaresto sa buy bust operations ay mga drug serenderer.

May 2,362 drug surenderers sa Baguio.

Umapila si Domogan sa mga residente na iulat sa pulis ang impormasyon na may kaugnayan sa illegal na droga at anumang uri ng kriminalidad na makakaapekto sa kapayapaan at kaayusan sa lugar. ABN