LUNGSOD NG BAGUIO – Dinomina ng kababaihan ang top 10 na magtatapos sa Philippine Military Academy ngayong Linggo.
Ang Sanggalang ay Lakas at Buhay para sa Kalayaan ng Inang Bayan (Salaknib) class ng PMA ay pinangunahan ng babaeng topnotcher maliban sa pito pang babaeng kadete sa top 10.
Si Cadet First Class Rovi Mairel Valino Martinez, 23 anyos, ang nanguna mula sa 167 “mistahs” ng Salaknib class.
Si Martinez ay dating accounting senior sa Araullo University sa Cabanatuan City, Nueva Ecija. Ayon sa kanya ay ginawa niya ang kaniyang makakaya. Time management lamang, aniya.
Ang dalaga na nagmula sa Fortaleza Bangad, Cabanatuan City, ay nais maging miyembro ng Philippine Navy. Nais niyang tuparin ang pangarap ng kanyang amang maging sundalo, aniya.
Pito pang kababaihan ang nasa top 10 na pinakamaraming babaeng nagtapos sa honor roll mula nang sinimulan ng PMA na tumanggap ng babae noong 1993. Nasa ikatlong puwesto si Eda Glis Buansi Marapao ng Benguet na pupunta sa Philippine Navy. Ikaapat si Cathleen Jovi Santiano Baybayan ng San Fernando, Pampanga na nais ding sumapi sa Philippine Army. Ikaanim si Shiela Joy Ramiro Jallorina ng Bagabag, Nueva Vizcaya, sasapi sa Philippine Air Force. Ikapito si Shiela Marie Calonge de Guzman ng Manaoag, Pangasinan, sasali sa Philippine Army. Ikawalo si Joyzy Mencias Funchica ng Butuan City, sasali sa Philippine Air Force. Ikasiyam si Resie Jezreel Arrocena Hucalla ng Compostela Valley, sa Air Force din ang sasalihan. At pang-10 si Catherine Me Emeterio Gonzales ng Zamboanga City na sasali sa Air Force.
Dalawang lalaking kadete lamang ang nakasama sa top 10 na sina Philip Modestano Viscaya ng Ligao City, Albay, bilang salutatorian, at ang fifth placer na si Carlo Emmanuel Manalansan Canlas ng Lubao, Pampanga.
Sinabi ni PMA Superintendent Lt.Gen. Donato San Juan na halos kalahati ng magtatapos na kadete ay kababaihan. Aniya, ang 63 na babaeng kadete ang pinakamataas na bilang ng magtatapos sa kasaysayan ng PMA.
“They deserve it,” ani San Juan, “they were equally treated (with men), and it so happens that this batch have excellent women.”
Samantala, inaasahan ang pagdalo ni Presidente Rodrigo Duterte sa naturang pagtatapos.
Ayon kay Sr. Supt. Ramil Saculles, acting city director ng Baguio City Police Office (BCPO), inaasahan din ang pagdagsa ng mga tao sa lungsod para sa graduation at inihanda na nila ang traffic scheme at seguridad ng Presidente at ng lahat ng dadagsa sa lungsod ng Baguio. ABN
March 11, 2017
March 17, 2017
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024
September 13, 2024