8 miyembro ng NPA, sumuko sa Abra

CAMP DANGWA, LA TRINIDAD, BENGUET – Sumuko ang walong umamin na miyembro ng Milita ng Bayan ng New Peoples Army, isang organisasyong katulong ng mga rebelde na nakabase sa mga barangay, malapit sa bayan ng Tubo, Abra noong nakaraang linggo.
Ang walong sumuko sa mga pulis, intelligence agents at sundalo ay pinaniniwalaang miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) local chapter.
Nakiusap si Cordillera police director Chief Supt. Elmo Sarona na hindi muna pangalanan ang walong dating miyembro ng Milita ng Bayan na nagdesisyong sumuko upang “mamuhay nang tahimik at magpokus sa kanilang pang-araw-araw na aktibidad”. Mula noon, sinabi pa ni Sarona, “nangako ang mga dating miyembro na susuportahan ang plano at programa ng gobyerno.”
Naniniwala rin si Sarona na ang walong sumuko ay miyembro ng tinatawag na sangay o chapter sa ilalim ng Militia ng Bayan, ang pinakamababang political party ng NPA.
Sinabi pa ni Sarona na “our information of the diminishing number in the CPP-NPA ranks is once again proven with the surrender of the eight after NPA guerilla Rafael Bautista Amorsolo alias ‘Ka Cheche’ on July 11″.
Naramdaman ni Sarona na ang pagbabalik ng mga rebelde sa gobyerno ay dahil sa malawak na kampanya at tactical operations na isinagawa ng Cordillera police at ng military.
Hinihikayat ng Cordillera police ang iba pang miyembro at sumusuporta sa NPA na “ibaba ang kanilang mga armas at magbalik sa sosyodad”.
Nagpasalamat din si Sarona sa mamamayan ng Malibcong sa suporta sa mga pulis at sa military, habang sinisiguro na ang mga benepisyo ay ibinibigay sa mga bumabalik sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP) at mga insentibo sa mga ibabalik na armas.
“This is a time for NPAs to embrace the path to peace so that progress and development will be felt from the countryside up to the far flung communities,” diin ni Sarona.
Matatandaan na kalagitnaan ng Marso 2017, sinalakay ng mga rebelde ang isang police station sa Malibcong at kinuha ang mga assault rifles at iba pang gamit pangpulis. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon