9 anyos, nasagasaan ng taxi

Nasagasaan ng taxi driver ang isang batang babae bandang 6pm ng July 24 sa kahabaan ng Sepic Road, Baguio City.
Sa ulat ng pulis, minamaneho ni Gerald Reyes Tubig, 31, may-asawa at residente ng Consolacion, Agoo, La Union ang taxing Isuzu Crosswind na may plakang AYU-433 galing sa direksiyon ng Guisad Road papunta sa direksyon ng Sepic Road. Habang naglalakbay paakyat, aksidente nitong nasagasaan ang babaeng menor de edad, 9 anyos, grade 4 student ng Baguio Central School at residente ng Sepic Road, Baguio City.
Ang resulta, nagtamo ang biktima ng sugat sa kanang paa at dinala ni Tubig ang bata sa BGHMC para sa agarang lunas, kasama ang ina ng bata na si Ruzel Callet Yabot.
Kinumpiska ng mga rumespondeng traffic investigator, na siya ring umasiste sa biktima, ang taxi, driver’s license at OR/CR ng driver para sa reference. Dagdag pa rito, nagsagawa ng ocular inspection ang imbestigador sa lugar ng pinangyarihan at kinausap ang mga nakasaksi sa insidente.

Amianan Balita Ngayon