98% ng mga hotel sa Baguio, okupado na sa bakasyon

Umabot na sa 98 porsiyento ang occupancy rate ng mga hotel sa panahon ng kapaskuhan ayon sa Hotel and Restaurants Association of Baguio (HRAB).
“Right now, we are enjoying about 98 to 99 percent occupancy. Some hotels are starting to fill up also. Even transient housing are enjoying good business,” pahayag ni Andrew Pinero, HRAB spokesperson at Baguio Country Club client and public relations manager, noong Martes, Disyembre 18.
Binigyan-pansin ni Pinero ang high occupancy rate sa mahigit 200 miyembro ng HRAB maliban sa iba pang establisimiyento.
Sinabi niya na ang pagtaas ay napansin sa huling quarter ng taon.
“We have high occupancy starting October,” ani Pinero.
Tuwing Disyembre ay peak season para sa turismo kaya ilang bakasyunista mula sa kapatagan ay umaakayat sa lungsod upang maranasan ang malamig na klima.
Ayon sa statistics report ng City Tourism and Special Events Office, ang lungsod ay nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng tourist arrivals tuwing Disyembre.
Noong 2015 ay may kabuuang 122,709 turista sa buwan ng Disyembre habang 86,965 sa Nobyembre; 118,501 sa Mayo; 122,447 ng Abril; 97,190 ng Marso at 106,373 ng Pebrero.
Ang diperensiya sa bilang ay lumaki noong 2016 kung saan nasa kabuuang 172,303 tourist arrival ang naitala sa Disyembre; 119,060 sa Nobyembre; 129,121 ng Abril; 111,678 ng Marso, at 104,568 sa Pebrero sa panahon ng Panagbenga festival.
Noong 2017 ay may 198,599 sa buwan ng Disyembre; 147,464 sa Nobyembre, 144,447 sa Abril; 111,362 sa Marso at 129,572 sa Pebrero.
Ayon sa 2017 ulat, ang lungsod ay nakapagtala ng 17.52 porsiyentong pagtaas sa tourist arrivals na may kabuuang 1,521,748 kumpara sa bilang noong 2016 na 1,294,906.
“Baguio during this season (Yuletide season) is a favorite destination because they want to experience the cold weather that we are having right now,” pahayag ni Pinero.
Dagdag pa niya na, “tourists enjoy the bonfire, grilling their food, enjoying the cold weather, that’s an experience already for them.”
Ang holiday season sa Baguio ay nagpapatuloy sa Panagbenga at hanggang sa panahon ng tag-araw na siyang totoong pinakamataas na tourist arrivals para sa Baguio, pagtatapos ni Pinero.
PNA/ABN

Amianan Balita Ngayon