Abandonadong gamit ng NPA nadiskubre sa Mt. Province

JUST IN

BAGUIO CITY (July 5, 2021)— Ilang abandonadong gamit ng rebeldeng NPA ang natagpuan ng mga sundalo 54th Infantry Battalion sa Mountain Province noong Linggo.

Sa tip ng mga dating rebelde, natagpuan sa pagitan ng Barangay Tetep-an Norte, Sagada at Barangay Dalican, Bontoc ang mga gamit ng mga miyembro ng Komiteng Larangang Gerilya (KLG) Ampis (Abra-Mt Province- Ilocos Sur) ng CPP-NPA tulad ng ibat-ibang parte ng baril at improvised na bandolier, mga kagamitang may marking Front Operational Command – Alfredo Ceasar Junior Command na bahagi ng Komiteng Larangang Gerilya-Southern Ilocos Sur (KLG-SIS), mga damit na mayroong tatak ng Chadli Molintas Command ng NPA Ilocos-Cordillera, dalawang libro na naglalaman ng mga aral ukol sa rebolusyonaryong pakikidigma, dalawang piraso ng wire na may tig-25  metro na haba, tatlong duyan, kumot, mga trapal,  mga radyo, powerbank, mga flashlight, extension cord, limang mga bag pack, at mga gamit pang medikal.

Ayon sa mga dating rebelde, nasa isa hanggang dalawang buwan na, nang iwanan ng mga NPA ang kanilang mga gamit sa naturang lugar matapos na diumano’y umaklas sa rebeldeng kilusan ang mayorya ng kanilang kasapian.

Ayon sa militar, nasa din ng mga dating rebelde na patuloy ang paghina ng nasabing rebeldeng grupo dahil itinakwil na sila ng dating mga sumusuportang masa sa probinsya ng Ilocos at Mountain Province.

Dagdag pa rito, idineklara din silang “Persona Non Grata” sa mga nasabing probinsiya.

Hinikayat ni Major General Laurence Mina, commander ng Philippine Army 5th Infantry Division, ang mga natitira pang miyembro ng teroristang grupo na huwag ng mag alinlangang magbalik-loob sa pamahalaan.  Aniya, “wala nang matatakbuhan ang mga teroristang CPP-NPA dahil mga residente na mismo ang nagtatakwil sa kanila.”

Ayon pa kay Mina, Patuloy sa paghina ang pwersa ng CPP-NPA dahil sa sunud-sunod na pagbabalik-loob ng mga miyembro nito sa pamahalaan. “Hinihikayat ko ang mga natitira pang miyembro ng CPP-NPA na sumuko habang hindi pa huli ang lahat. Nakahanda ang pamahalaan upang tumulong sa inyong pagbabagong buhay.”

Artemio A. Dumlao