Ahensiya ng gobyerno, tutulong sa mga OFWs sa Cordillera

Nagtutulungan ang mga national line agencies sa Cordillera upang matulungan ang mga dating Overseas Filipino Workers (OFW) na mas piniling manatili na lamang sa sariling bayan.
Sinabi ni Efren Piñol, regional director of Technical Education Skills Development Authority (TESDA) sa Cordillera, na ang kaniyang ahensiya ay nakipagkita sa Cordillera offices ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang magplano kung paano sumunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte upang tulungan ang mga OFW na nagpasiya na manatili sa bansa at makahanap ng trabaho o upang hikayatin ang sektor na makabalik sa kanilang mga pamilya at makatiyak ng kita.
“We are doing a collaboration to plan out and come up with programs on how to assist the sector,” ani Piñol.
Dagdag niya na ang TESDA ay mayroong skills training para sa sector at maaaring magamit ng OFWs ang government scholarship.
Aniya, ang mga OFW na nagbabalik o mananatili rito ay mabibigyan ng prayoridad, base sa kaalamang nais nilang pag-aralan o mapahusay, at mabibigyan ng national certification.
“Ang TESDA, gustong-gusto na maka-pag-undergo ng skills training ang ating mga kababayan para may magamit sila na makahanap ng trabaho o di kaya ay makapag-simula ng negosyo na pagkakakitaan nila at sa kalaunan ay makapagbigay ng hanapbuhay sa ibang kababayan,” aniya.
Sinabi pa niya na habang handang i-prioritize ng TESDA ang sector para sa scholarship grants, hindi alam ng ahensiya kung sino ang mga OFW, kaya sila nakikipagtulungan.
Ipinaliwanag pa ni Piñol na sumang-ayon sila na makuha ang aktuwal na mga pangalan ng mga OFW upang hikayatin sila na samantalahin ang mga programa ng gobyerno.
Ang listahan, aniya, ay ibibigay ng OWWA, pati na rin ang mga address.
Sinabi ni DOLE regional director Ezequiel Guzman na ang labor department ay nagbibigay ng tulong sa mga nagbabalik na OFW, lalo na sa mga umalis sa bansa na walang dokumento, humahawak sa mga pangako ng trabaho sa ilang mga tao, ngunit wala naman kung kaya’t umuuwi.
Paliwanag ni Guzman na sa pamamagitan ng national reintegration center para sa OFWs, ang mga mula sa Cordillera na isinangguni sa kanilang opisina at binigyan ng kinakailangang tulong sa pamamagitan ng starter livelihood kit na nagkakahala ng P20,000.
Binanggit din niya ang mga OFW, na dating guro dito sa bansa subalit ninais na umalis para kumita sa ibang bansa. “We have a tie-up with the Department of Education (DepEd),” aniya.
Halos 25 hanggang 30 na OFWs noong 2017 ang tinanggap ng pamahalaan bilang guro sa public elementary o high schools at ngayon permanenteng DepEd employees, ani Guzman.
Nagbigay din ang DOLE ng teaching kits sa mga guro, dagdag ni Guzman.
Paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo sa mga OFW na bumalik ng bansa at mapakinabangan ang mga serbisyo ng iba’t ibang departamento ng gobyerno. PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon