Ahensiyang pang-agrikultura ng Japan nais magtayo ng cold storage facility sa Benguet

Provincial

LA TRINIDAD, BENGUET- Isang solarpowered cold storage facility sa Buguias, Benguet ang makakatulong sa mga magsasakang Pilipino na mapahusay ang kanilang produksiyon.

Ipinanukala ng Japan Agricultural Exchange Council (JAEC) ang solar-powered facility na kabilang ang pagbili ng refrigerated cooling trucks, mapahusay ang post-harvest handling, storage, at delivery ng mga ani ng mga magsasaka.

Ang panukalang PhP82- milyon na proyekto ay popondohan ng Ministry of Foreign Affairsng Japan sa ilalim ng Safe Vegetable Production with Marketing Technology Improvement project nito sa Pilipinas.

Ang panukala ay nasa ilalim ng pagsusuri ng National Economic and Development Authority, ayon sa Department of Agriculture (DA) noong Martes (Setyembre 7).

Dadaan ito sa Department of Finance at sa Department of Foreign Affairs bago ito maaprubahan ng Office of the President.

“[This is] aimed to capacitate farmers to improve production through the Safe Vegetable from Rich Soil (SAVERS) technology, which enriches the soil by using organic matter such as mokusaku (wood vinegar),” sabi ng DA, na tumutukoy sa mga detalye ng diskusyon nito sa JAEC isang araw bago ito.

Sa oras na maaprubahan, isang memorandum of agreement ang gagawin at lalagdaan ng DA at JAEC.

Sa isang pahayag, sinabi ni JAEC senior local coordinator Toshiharo Sato na umaasa siyang masisimulan ang proyekto sa pinakamadaling panahon, dahil “maraming Pilipinong magsasaka ang naghihintay sa proyekto”.

Umaasa si DA Secretary William Dar na maaprubahan ito bago ang pagtatapos ng administrasyong Duterte.

Nanawagan siya sa paglikha ng isang steering committee upang mapadali ang proseso ng pagapruba. Tinagubilinan din ng hepe ng DA ang mga kinatawan ng JAEC na repasuhin ang procurement process nito at ihanda ang project design para sa agarang implementasyon sa oras na maaprubahan.

(CC-PNA/PMCJr.-ABN)