AKSYON, ATENSYON AT AMBISYON

NITONG MGA HULING araw, muling nasubukan ang katatagan ng Baguio sa gitna ng bagyong Kristene na pinalakas pa ng Habagat. Dalawa o tatlong araw na hinambalos ang lungsod. Walang puknat na ulan ang bumuhos, na sinabayan pa ng nakabibinging hangin. Sa buong Luzon, nakalulunos ang pinsalang naihasik ng bagyo. Baha,
malawakang baha, ang naidulot, lalo na sa Kabikulan – kung saan dun ako isinilang – at halos lahat ng lugar ay nalubog sa tubig. Mga palayan, mga kalsada, mga tulay na patungo sa kabayanan. Ang tumawag ng pansin ay ang mga basurang humadlang sa rumaragasang tubig-bahag, patnunay na ang basurang itinapon ay babalik at hahadlang sa daloy ng katubigan.

Kapansin-pansin ang mga larawan ng sitwasyon sa mga mamamayan na mga binahang lugar. Hindi mo maiiwasang
makiagos sa kanilang kalagayang naiiba. Walang lungkot at siphayo na makaka durog ng puso. Walang pagkabahala na normal nating mararamdanan. Ibig sabihin, okey lang ang mga pangyayari. Ito ang katauhan ng Pilipino. Sa gitna ng tragedyang nangyayari, idinadaan sa pagtanggap ng maluwag sa kalooban. May tibay ng loob na ipinamamalas
ng buong pagkawalang bahala. Para bagang ipinauubaya ang sitwasyon sa Bathalang sinasandigan ng buong pagtitiwala. Mabuhay ka Pilipino! Pwede po ba, tigil putukan muna sa pulitika.

Dito sa atin, nakatatawag ng pansin ang hayagang pagpapakita ng interes pulitika sa ganitong panahong tayo ay na direct hit ng bagyong nagdaan. Akalain mong habang kandaugaga ang ating Punong Abala upang makita ang
pinsala sa iba’t ibang lugar, ang iba naman ay tahasang namumulitika at pati ayudang galing sa buwis ng mamamayan ay inaangkin. Hindi masama kung ang ibinabahagi ay galing sa kanilang napakalalim na bulsa. Ngunit kung hayagang pinagmamalaki ay nanggaling ang munting tulong na ipinamamahagi ng isang sangay ng Gobyerno, teka po naman!

Nakakagigil na dapat lamang punahin ang ganitong kalakaran ng mga mapag-angkin. Nakakangitngit na pati ang sitwasyon ng kagipitan ay walang kahihiyang ginagamit upang ibandila ang ngalan at angkan ng pag-aangkin. Kaya naman nitong mga huling araw, ang mga sinasabing namumugto ang mga mata sa hangaring pulitika, lalo pang pinag-ibayo ang mga pagbibigay – ng pera, ng grocery bag, ng mga school supply. Kasi nga naman, na sa panahon ng
kagipitan, sila ay hindi pahuhuli sa pansitan. Sila lamang ang may karapatan na iwagayway ang natatangking angkan na mangangamkam. Hindi maikakaila na halos isang taon pa ang susunod na eleksyon. Hindi rin kataka-taka na sa larong pulitika, iba na ang maagap sa masipag. Pulitika na nga ang usap-usapan kung saan-saan man. Hay! Padaanin muna sana ang taong 2024!

Amianan Balita Ngayon