ALA-ALA… MAHIRAP MABURA!!!

Kamakailan ating ginunita ang ala-ala ng nakaraan. Ito ang nagbukas sa atin sa isang yugto sa ating kasaysayan na mahirap nang burahin. Ito ang ala-ala ng “batas military” na naging sandigan ng pagsilang ng isang “bagong lipunan”. Isang lipunang ni sa hinagap ay di sukat akalaing mararanasan. Ang ala-alang ito ang naging puhunan ng ating lahi sa tunay na katuturan ng “disiplina at pagkakaisa”. Tanong: ang tunay na diwa kaya ng ala-alang ito ay pumipintig pa sa ating buhay sa ngayon?

Umiral ang disiplina sa likud ng takot at sumunod nang pikit-mata sa mga bagong tuntuning pinairal. Nagkaroon tayo ng matinding aral at lumawak pa ang ating damdaming makabayan. Ang masaklap lamang sa panahong iyon…saksi ang bayan sa pagmamalabis. Yuko at sunud sunuran lang si Juan dela Cruz ngunit dilat ang mga mata at bukas ang mga teynga sa lahat ng kaganapan. Sa pagitan ng kapusukan at paninindigang ayaw pasaklaw sa nakabakud na lipunan…nabuo rin ang sandatang “pagkakaisa” laban sa panunupil ng mga piling lakas. Sa ala-alang ito nasilang din ang diwa ng pagmamalasakitan at ipit na bigkis ng nagpupumiglas na damdamin laban sa kamaong bakal.

Marami ang nalugmok sa sariling dugo ngunit lumabang tumindig ang ating mga paa laban sa pang-aapi. At nang magwakas ang usok ng mga sandatang iniumang….ating nasilayan ang “bagong bukas” at pagbabandila sa sagisang ng mga “bagong bayani” ng ating makabagong panahon. At pumailanlang ang tinig ng “Bagong Lipunan”at mabunying sigaw para sa isang “Bagong Lipunan”.  Sa ngayon…umusad ang panibagong pag-asa para sa mas mausbong na pag-unlad. Bagamat nasa sosyodad parin ang mga balakid gaya ng hindi pagkakaisa ng ilang sector lalo na sa mga isyung nabahiran na ng imbing ambisyon sa pulitika .

Saksi ang bayan na marami na ngayon ang mga kuno ay puno ng dunong ngunit nawawala na ang pagiging mapagpakumbaba at may paggalang o respeto sa isat isa. Umiiral na ang mitsa ng pagkakawatakwatak dahil sa lisyang motibo sa buhay kahit marami ang nasasagasaang kalahi. Walang pinag-iba noong panahon ng ating mga ninunong sumabak sa digmaan laban sa mga mapang-aping mga dayuhan na nanakop sa atin. Ang masakit…dahil sa tawag ng mapag-imbot na layon…sila sila na ang nagkakagatan at sukdulang kumabig pa sa agus ng mga kalaban. Nangyayari na naman ang ala-alang ito sa ngayon.

May mga taong nakaatang sa kanilang balikat ang ating inilaang daan ngunit sa maling paraan tayo inaakay para sa di makatwirang landas. Sabi nga ng mga analysts: mahirap sa isang lipunan ang maraming henyo na di naman nagkakaisa ang pananaw sa maraming bagay. Ang resulta: pagkakawatakwatak. Sana sa harap ng ating mga kinakaharap na mga suliranin ay di tayo malilihis ng tatahaking landas. Sa mga nangyayari sa teritoryong pilit na inaagaw sa atin…dapat iisa an gating paninindigang ipaglaban ito ano man ang katumbas. Maliit lang ang ating bansa kumpara sa mga mapang-aping lahi….di tayo dapat pasupil at sumuko sa kanila. Ang pagkakapit-bisig at may nag-iisang sigaw laban sa panlalait at pagsasamantala ay sapat ng lakas upang tayo ay magtagumpay.

Malagasan man tayo at patuloy na itataboy sa sarili nating lupa…kalasag natin ang mga katagang: :”walang atrasan…sugod kung kinakailangan”! Sa ginagawa ngayon ng ating gobyerno….saludo tayo sa tuklas nilang maaring may mga espiya mula sa ibang bansa upang tayo’y lansagin sa hinaharap. Tama lang na palakasin natin ang ating depensa sa ano mang paraang legal at ayon sa kasunduan ng mga bansa sa mundo hinggil sa soberenya at seguridad. Ang ating pagsaludo sa lahat ng mga bansang may paninindigang handang maging sandigan natin laban sa panunupil ng iba.

Pagsaludo rin ang ibinibigay sa lahat ng ating mga kababayan na naiipit sa mga hidwaan ng mga nasyon gaya sa pagitan ng Israel at Hisbola lalo sa Lebanon. Ang aminding pakikiisa sa damdamin ang ating mga kababayan nan a displaced o nawalan ng tirahan dahil sa sama ng panahon at iba pang kadahilanan sa lipunan. Sana ang mga pangitain sa sosysodad ay magsilbing ala-ala bilang giya natin sa hinaharap. Sana ay di lang sa panata masusukat ang lingap at malasakit kundi sa gawa. Adios mi amor, ciao, mabalos

BECAUSE OF WHERE WE ARE

Amianan Balita Ngayon