Albayalde bumaba…Didnidad ng PNP, Tataas kaya?

Marami ang nagulantang nang sa di inaasahan ay bumaba na sa puwesto si dating PNP Chief Gen. Albayalde. Di nga sukat akalain dahil akala ng marami na sa Oktubre 29 pa ito bababa o kaya’y sa mismong kaarawan nito sa Nob. 8. Tanong ng mga busesero: bakit kaya? Ang sagot: pamilya daw ni sir ang tunay na dahilan.

Hmmm…ayaw na niyang nahahatak sa kontrobersiya ang kanyang pamilya. Pero sa mga analysts, tama lang ang hakbang na ginawa ni Ka Oka upang hindi mabahiran ng mantsa (daw) ang intigridad o dignidad ng buong kapulisan.

Sa mga simpleng mamamayan naman….tiyak na ang bulong nila ay: tama lang upang matapos na ang mga imbestigasyon. Hannooo? Naku pow…hindi pa tapos ang imbestigasyon mga pards.

Ayon nga kay Sen. Gordon, magpapatuloy pa rin na maiimbestigahan si Sir Oka kahit nagresign na. Ganern!
******
Katunayan nga…patapos pa lamang ang resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng Napolcom. Meron ding hiwalay na imbestigasyon ng IAS (Internal Affairs Service), ganon din ang patuloy na imbestigasyon ng DOJ (Dept. of Justice) at siempre kung saan pumutok ang kontrobersiya ng “Ninja Cops” na diumano ay nagrerecycle ng mga illegal na droga na nasasamsam sa mga raids ng kapulisan.

Sumentro nga ang kontrobersiya ng Ninja Cops sa naganap na raid sa Mexico,Pampanga at doon nakaladkad nga ang pangalan ni dating PNP Chief Albayalde nang tumistigo si dating CIDG head Mayor Benjie Magalong.

So…kung hindi nag-resign si Gen. Albayalde, tiyak na lalo itong makakaladkad sa mas malalim na kontrobersiya bagamat sinasabi ng mga dating nasa PNP na walang direktang ebidensiya kontra sa dating PNP Chief kung sa isyu ng recycling ng drogang ebidensiya sana. Daplis: sa pagbaba ni Albayalde, tataas na kaya ang intigridad o dignidad ng PNP sa kabuo-an?
******
Tiyak marami ang magsasabing saka na natin husgahan ang intigridad na yan kapag tunay na ngang nalinisan sa mga kalawang ang buong puwersa ng otoridad. Kasi nga…hangga’t nariyan pa rin ang mga surot, marami pa itong kakagatin. Ang nakakaawa ay ang hanay ng mga otoridad na malinis ang serbisyo. Pati sila nakakaladkad din sa alanganin at kahihiyan sa harap din ng mga panunumbat ng taumbayan. Lagi kasing sumasagi sa isipan ng madla na sila ay tinaasan ng sahod ng ating Pangulong Duterte pero nagpatuloy pa rin ang lisyang gawain ng ilan.

Nakakapanghinayang na pagtitiwala ang sa panig ni Pres. Digong, di ba? Matapos siyang nagmalasakit para sa malinis sanang serbisyo ng kapulisan …ang isinusukli ay kawalan ng galang at respeto. Sige, mga pards…uulitin naming, saka na ang husga sa hinaharap kapag malinis na ang hanay ng kapulisan. Pero teka, kailan kaya ang hinaharap na ito? Hindi na kaya ito matitisod muli? Abangan!
******
May marching order ba si Pres. Duterte para sa pagbabago ng imahe ng kapulisan? Ayon kay PNP-OIC Chief Lt. Gen. Archie Gamboa, wala naman daw pero tiniyak niyang makikita ng publiko ang pagbabago o reporma sa PNP sa mga susunod na araw.

Merong sumulpot na tanong: ano ba talaga ngayon si Gen. Albayalde? Kung nag-resign na ito, eh, bakit daw hanggang Nobyembre 8 pa ito nakaupong pulis? Ayon sa legalidad…pulis pa rin siya bagamat hindi na siya ang PNP Chief. Nag-avail lang ito ng Non Duty Status dahil sa iniimbestigahang kontrobersiya ng pag-rerecycle ng illegal na droga sa pamamagitan ng mga tiwaling mga pulis. At sakaling walang patunay na siya ay dawit sa isyu ng recycling, may dignidad siyang magreretiro at magkakaroon ng legacy na maiiwan sa mga susunod pang mga opisyal sa PNP.

Sundan natin ang usad ng pagbabago at maging katulong sana ang ating dalangin at paggalang sa kanilang misyon sa lipunan – “to serve and protect”. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon