Alokasyon ng bigas sa rice retailers sa Pangasinan sinuspinde ng NFA

Provincial

LUNGSOD NG DAGUPAN – Sinuspinde ng National Food Authority (NFA) sa Western Pangasinan noong nakaraang lingo ang probisyon nito para sa accredited rice retailers sa kanlurang bahagi ng probinsiya sanhi ng limitadong suplay ng bigas sa kanilang mga warehouse.

Sinabi ni NFA-Western Pangasinan assistant manager Chona Maramba sa isang panayam na nasa 3,000 sako lamang ng bigas ang natitira sa kanilang mga warehouse na nakalaan sa lokal at pambansang mga programa ng gobyerno.

“The remaining rice supply is allocated for supplemental feeding of local government units, Bureau of Jail Management and Penology, and the Department of Social Welfare and Development,” ani Maramba.

Binigyan-pansin niya na ang mga island barangays sa lungsod na ito o ibang mga barangay na bahagi ng Tagpuan Rice Delivery Response Program ng NFA kung saan dinadala ng ahensiya sa mga kinauukulang benipisyaryo ang rice supply ay mga bahagi rin ng alokasyon sa natitirang suplay ng bigas ng opisina.

Dagdag pa ni Maramba na hindi maipapamahagi ng NFA ang bigas sa merkado hangga’t hindi dumarating ang imported variety mula sa Thailand.
“We will have to wait until the last week of December to the first week of January before we begin re-stocking supplies for the retailers,” dagdag ni Maramba.

Subalit siniguro ng NFA-Western Pangasinan na may sapat na suplay ng bigas sa merkado dahil sa panahon naman ng pag-aani.

“Prices of rice range from P38 and above,” ani Maramba.

Siniguro din ng ahenisya na ipamamahagi nila agad ang bigas sa oras na dumating na ang imported supply.

PNA/ABN