Amoy ng pulitika sumisingaw na

Tapik ni Tonying

Silipin muna natin ang mga isyung pulitika sa national level na kung saan ay patuloy ang patutsadahan ni Pangulong Duterte at Senator Manny Pacquiao hinggil sa korapsyon sa gobyerno sa ilalim ng pamumuno ni Mr. Duterte.

Alegasyon ni Manny, maraming ahensya sa gobyerno, gaya ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Philhealth at iba pang sangay ng gobyerno na diumano ay nasasangkot sa korapsyon na kung saan ay lalong nagdudulot ng kahirapan sa mga Pilipino.

Inalmahan agad ito ni Pangulong Duterte na aniya kay Pakyaw ay panindigan at tapusin niya ang kanyang mga paratang dahil kung hindi aniya ay lalabas na paninira lamang at “pamumulitika” ang ginagawa ni Pacquiao.

Paano nga ba nag-ugat ang ganitong mga maaanghang na sagutan ni Mr. Duterte at Mr. Pacquiao? Ayon sa mga balitang National ay nagsimula ang init na ito nung magpatawag ng pulong ang PDP-Laban sa pangunguna ni DOE Secretary Cusi na hindi nila kinikilala ang pagiging acting President ni Pakyaw sa PDP-Laban, na ayon naman kay Pacquiao ay succession ang kanyang pagiging Presidente sa PDP-Laban.

Naglabas din ng komento si Pangulong Duterte na hindi niya sinusuportahan ang anumang balak ni Manny sa pagtakbo sa Pagkapangulo.. at ito na ang umpisa ng kanilang mala-teleseryeng awayan.

Take note mga kailyan dahil sa awayang ito nagsilabasan ang mga “trolls” sa facebook at sa Youtube na walang habas tuligsain si Pacman. Siyempre hindi niya ito masasagot sa ngayon dahil sa kasalukuyan siya ay nasa Amerika upang tapusin ang laban niya sa boksing.

Sa usaping pulitika ay nagdeklara na si Mr. Duterte na tatakbo siya sa pagkabise – presidente sa 2022 at si Senator Bong Go ang kanyang napipisil na Pangulo.

Maraming mga “political expert” ang nag komento na walang batas na nagbabawal sa kanyang pagtakbo subalit “obvious” na lumalabas na walang matikas o malakas na kandidato ang PDPLaban maliban kay Pangulong Duterte at sa kanyang anak na si Sarah Duterte-Carpio.

Ang haka-haka at kurukuro ng iba na kapag kaalyado ni Mr. Duterte ang magiging Pangulo at siya ang magiging Vice-President malamang anila na pakiusapan ni Duterte na mag-resign ang Pangulo at siya muli ang uupong Presidente.

Ngunit tanging ang Supreme Court lamang ang makakapag desiyon o makakapagbigay ng komento kung legal nga ito o hindi. Ang tanong sa tingin ba ninyo mga Kailyan seryoso ba talaga si Pangulong Duterte sa kanyang sinasabing tatakbo sa pagka-bise presidente? Yan ang aabangan natin sa darating na Oktubre o sa buwan ng Disyembre na kung saan ay nagkakaroon ng “switching” ang mga kandidato.

Sinu-sino nga ba ang tatakbo sa pagka-Pangulo sa Pilipinas? Sa galaw at kembot ng puwit ika nga ni Ka Pabling ay halata na si Sarah Duterte- Carpio, Si dating House Speaker Peter Allan Cayetano, si Mayor Isko Moreno, Si VP Leni Robredo at maging si Senator Ping Lacson at dating Senador Sonny Trillanes.

Mapapansin natin mga Kailyan na tahimik ang kampo ni dating Senador Bongbong Marcos na tila walang ingay mula sa kanyang mga supporter, Bakit nga kaya? Suko na ba si BBM? Yan ang ating susubaybayan sa mga darating na buwan kung tatakbo ba si BBM o hindi.

Sa local na senaryo may mga bulung-bulungan na may apat o lima na maglalaban-laban sa pagka mayor sa lunsod ng Baguio siyempre si Mayor Benjie Magalong may laban pa rin dahil siya ang nakaupong incumbent na Mayor ng lunsod, lumilibot na rin ang balita na muling sasabak si Atorni Edison Bilog, nariyan din ang balitang bumubuo ng slate si dating kongresman Nick Aliping na tatakbo sa pagkamayor, hindi rin natin pweding lampasan si Vice-Mayor Faustino Olowan na maaring tumakbo rin sa pagka-mayor at may balita rin na maging si dating Councilor Edgar Avila ang tinaguriang Agila ng Baguio ay sasabak din sa karera sa pagka-mayor ng lunsod.

Ngunit ang mga nabanggit ko na mga pulitiko ay pawang nagsilbi na rin sa lunsod ngunit mga kailyan sana ay matuto na tayong pumili ng tamang pamumuno sa lunsod na walang maririnig na mga pagsisisi.

Kaya isip-isip din tayo upang makita natin ang tunay na pagbabago ng Baguio na ayon sa kagustuhan ng mga taga-Baguio at hindi
kagustuhan ng mga namumuno, ika nga nila ang lider ay “the one who leads but not who rules”…