ANG ASAR AY TALO

Noong Hunyo 17 ay binangga ng mga bangka ng China Coast Guard (CCG) ang isang supply ship ng gobyerno ng Pilipinas, iwinawasiwas ang mga armas na may talim at kinumpiska ang mga nakalas na mga riple habang isinasagawa ng bansa ang misyong rotation and resupply (RORE) sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS). Sa kasagsagan ng komprontasyon ay isang sundalong Pilipino (PN) ang naputulan ng hinlalaki matapos maipit sa pagitan ng mga bangka ng Pilipinas at Tsina.

Ang pangyayaring ito ay siya nang pinaka-agresibo at pinaka-pisikal na paninindak ng CCG sa marami na nilang “pang-aasar” at “panliligalig”na umani ng samo’t-saring reaksiyon ng mga Pilipino at maging ng ibang bansang kaalyado at kaibigan ng Pilipinas. Sa kabila ng insidenteng ito ay nananatiling mahinahon ang gobyerno natin at sinabing bilang isang responsableng estado ay ipagpapatuloy na humanap ng mapayapang solusyon sa isyu ng West Philippine Sea, at ang polisiya na bansa ukol sa WPS ay hindi magbabago.

Hindi na rin daw iaanunsiyo ng gobyerno ang mga gagawing RORE missions ni hindi kailangang humingi ng permiso o pangsang-ayon kaninuman kaya magpapatuloy ang pagtupad ng sinumpaang mga tungkulin sa WPS para sa kapakanan ng mga sundalo sa BRP Sierra Madre. Sa ngayon, hindi pa rin daw kinakailangan magpulong ang National Security Council dahil kinakaya at epektibo pang pinapamahalaan ng National Maritime Council ang isyu sa ilalim ng direksiyon ng Pangulo, gayunman may pagpapasiya ang Pangulo na tipunin ang buong council o ang executive committee anumang oras.

Samantala, pinuri ng Association of Generals and Flag Officers (AFGO) ang pagiging propesyonal ng mga
sundalong Navy at enlisted personnel sa pagkilos ng may labis ng pag-iingat at di-mapantayang pagtitiis upang matupad ang misyon sa gitna ng panggugulo at banta ng pisikal na pananakit ng mga Intsik noong Hunyo 17. Sinabi rin ng grupo na ang aksiyon ng Tsina ay paglabag sa ilang protocol ng United Nations at tinawag itong piratiko,
pagpapalala at ikinokonsiderang kabastusan sa marangal na propesyon ng armas. Suportado ng AGFO at nagtitiwala sa paninindigan ng gobyerno na igiit ang ating mga karapatan sa soberanya sa WPS at pinayuhan ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na protektahan at alagaan ang ating tropa.

Ang istilo ng pambu-bully ng Tsina ay parang isang girian ng mga bata na sa una’y pang-aasar at hinihintay na maunang sumuntok ang kalaban upang may maging rason na masisi at maigiit ang kanilang paninindigan at bumuwelta. Sa batas kasi ng lansangan ay tinitingnan kung sino ang unang pumitik ay siyang may kasalanan. Ginawa na natin ang pormal na mga reklamo, patunay ang mahigit 100 nang mga protesta gayundin ang pagsagawa ng katulad na bilang ng mga komento. Tama ang tinuran ng Pangulo na kailangang may gawin pa tayong higit doon.

Subalit ano ang dapat na gawin na mas higit pa sa mga reklamo? May mga ambisyong pagpapalawak ang Tsina sa South China Sea at itinakwil ang 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa kanilang pag-angkin sa WPS. Sang-ayon din tayo at pinupuri natin ang inisyatibo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ipagpatuloy ang mga demokratiko pag-uusap sa Tsina. Nakapagtatakang ipinapahiwatig ng pulang linya na ipinagbabawal ang mga baril,
ngunit lahat ng ibang armas gaya ng mga kutsilyo, itak, sibat at palakol ay pinapahintulutan.

Di ba’t nakakamatay din ang mga ito? Habang hinihintay natin ang “isang putok” na maghuhudyat na mayroon nang matatawag na “armed attack” ay manatili lamang na kalmado at magtimpi ang mga Pilipino dahil mapapatunayan nito na “ang asar ay talo” at ang hindi makatagal sa init ng kusina ay siyang lalabas.

Amianan Balita Ngayon