Ang panganib ng pagpapaliban ng eleksiyon sa barangay

Editorial

Inaprubahan ng Senado noong Setyembre 20, 2017 (Miyerkules) ang panukalang batas na ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) eleksiyon na nakatakda sana ngayong Oktubre bagkus ay isasagawa na lamang sa Mayo 2018. Ipinasa ang Senate Bill No. 1584 sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa parehong araw ng sesyon sa botong 17-1 matapos ang sertipikasyon bilang urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pumayag at bumoto pabor ang mga senador ng oposisyon maliban kay Senadora Risa Hontiveros dahil sa isang amiyenda na tatanggalin ang probisyong nagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Duterte na magtanggal at magtalaga ng officers in charge (OIC’s) sa mga barangay. Ito ang ikinababahala at ikinatatakot ng mga kontra sa probisyon dahil ayon sa kanila ay magkakaroon ng lubos na kontrol si Pangulong Duterte sa mga barangay, at masamang pangitain daw ito.

Dahil sa modipikasyong ito na pagtanggal sa kapangyarihan ng  pangulo na tanggalin ang mga barangay officials kahit walang rason ay nangangahulugang mananatili ang mga kasalukuyang opisyal sa kanilang puwesto sa holdover capacity hanggang mahalal at kuwalipikado ang hahalili sa kanila.

Sa muling pagpapaliban ng eleksiyon sa barangay at SK ay hindi kaya mas lalong mamamayagpag ang mga opisyal ng barangay na pinaghihinalaan ni Pangulong Duterte na sangkot sa ilegal na droga dahil kung totoo nga ito ay mahaba pa rin ang isang taon bago sila mapalitan.

Mas mabuti na sanang itinuloy na ang eleksiyon upang mapatunayan ang hinalang ito at mga botante na ang magdedesisyon kung mananatili pa ang mga opisyal na ito o hindi na. Sa ngayon nga ay halos araw-araw na ang patayan at panghuhuli sa mga barangay, patunay na namamayagpag pa ang mga pusher at user sa mga barangay.

Kung sa una pa ay hindi na ipinagpaliban ang halalan ay napatunayan na sana ang hinala at bintang ni Pangulong Duterte na may mga opisyal ng barangay na sangkot sa kalakal ng ilegal na droga dahil sa naging pagbubunyag na ito ng pangulo ay tiyak susuriin nang mabuti ng mga botante kung sino ang kanilang iboboto.

Maliban dito ay marami ang nagnanais manilbihan sa taong-bayan at komunidad subalit nauudlot dahil pagpapaliban ng eleksiyon at ang masaklap ay nagpapatuloy at humaba pa ang panahon ng mga tiwaling opisyal sa kanilang mga posisyon, para sa kanilang pansariling interes. PMCJr.