Ang quarantine na dala ng habagat, ang bakuna at ang lockdown

Tapik ni Tonying

Halos mag-iisang buwan na ang buhos ng ulan na dala ng Habagat na nagsimula noong ikalawang linggo ng buwan ng Hulyo(July 17,2021) na hanggang ngayon ay patuloy ang buhos ng ulan at minsan nagpapakita ang Haring Araw subalit patikim lang sabi tuloy ng kapitbahay ko na magsasampay ng labada niya ay “paasa ang araw’.

Sa totoo lang matagal na ako dito sa Baguio mula pa noong 1984 na mag migrate kami mula sa Ilocos Sur umuulan sa tuwing buwan ng Hunyo hangang buwan ng Setyembre pero hindi ganito kahaba. Tuloy ang nangyari para na rin tayong nasa gitna ng quarantine na walang ayuda kundi tubig.

Ngunit ipagpasalamat natin sa Diyos dahil walang masyadong sakuna na naganap maliban sa isang taxi na nadaganan ng naputol na sanga ng pine tree sa may Camp 8 barangay at sa mga ilang naiulat na landslide sa Kennon Road ,Marcos Highway at sa lalawigan ng Mt. Province at Ifugao.

Gaya ng Pandemya ang habagat ay nagdulot din ng abala sa galaw at mga plano ng bawat tao, dahil hindi makalabas ang mga tao upang gawin ang kanilang mga trabaho, maagang nagsasara ang mga establishment dahil walang customer, tanging mga food carrier ang makikita mong naghahabulan sa daan kahit na malakas ang ulan, bakit kanyo dahil yun ang kanilang hanapbuhay na kahit na buwis buhay larga pa rin, ika ni Tatang Edong ng Tambalang Lolo Doro ng ZRADIO ay “mansu banat” yan ay dahil sa pamilya.

Marami rin ang nabasa na mga tao na nagnanais magpabakuna, maraming nagkasakit, marami ang hindi nabakunahan hindi lang sa Baguio kundi sa ibat-ibang lugar ng bansa. Ang iba ay hinihintay ang paghina ng ulan at ang iba ay malungkot na umuuwi na lamang.

Gaya noong pandemic halos lahat ng tao ay nagdarasal na huminto na ang ulan, lahat nananawagan sa Poong AMA.

Ang pinagkaiba lang ay walang checkpoint kay Habagat, walang quarantine pass at walang namumulitika, walang pabida at walang ayuda.

Yung ibang tao nagpopost sa facebook ng mga nakakatawa pero totoo gaya na lang yung post ng isa kong kakilala ang sabi niya “hoy habagat tama na at inaamag na ako”. Sa Negosyo naman lumakas ang laundry shop at marami akong nakita sa isang department store na namimili ng washing machine at dryer o di ba meron pa ring kumita kahit paano.

Sa ngayon mga A4 ang naghihintay na mabakunahan, marami sa kanila ang nagrereklamo na bakit parang nakalimutan ang A4.

Ang A4 ay ang mga taong nasa level ng workforce ng komunidad na araw-araw pumapasok sa kanilang trabaho at ito rin ang mga taong hindi nakakaranas ng matinding sakit o anumang karamdaman. Oo nga naman sana next month ay mabigyan na rin sila ng bakuna.

Halos A1, A2, at A3 ang mga inuna kaya nauubusan ng vaccine ang mga nasa A4, sabagay may parating pa na mga bakuna kaya wait lang kayo. Ang lockdown sa Manila o kalakhang NCR ay malaki ang epekto sa mga nasa laylayan o mga probinsysa na pinapasyalan ng mga nasa NCR plus, ayon kay Mike del Rosario isang negosyante sa Baguio City na aniya malaki ang epekto nito sa local na turista di ba nga aniya pag weekend may mga taga NCR plus na umaakyat sa lunsod na kahit paano ay kumikita ang mga local businessmen kahit sa weekend man lang.

Ngayon parang from negative zero ngayon negative 1 na. Ang tanong hanggang kaylan ang sitwasyon na ito ng bansang Pilipinas..

COFFEE TALK
May mga tsismis sa isang coffee shop sa lunsod na gaano katotoo na may mga nabubuong alyansahan sa pagitan nila Congressman Mark Go, Faustino Olowan para mayor at Atty. Edgar Avila para sa bise alcalde paano na si pareng Edison Bilog? Totoo rin ba na may alyansahan sila ni Councilor Joel Alangsab para sa 2022 election.

At sino naman kaya ang magiging ka tandem ni Mayor Benjie Magalong? Nariyan din ang pwersa ni dating kongresman Nick Aliping, At siyempre may balita rin na muling tatakbo si ex-Mayor Mauricio Domogan. Wow masaya itong 2022 election ng Baguio. Abangan ang susunod na coffee talk at kabanata…

Masaya na malungkot ang buhay ng mga real estate agents ngayong tag-ulan ang iba nakukuntento na sa kapeng mainit habang pinag-uusapan ang mga property na for sale at umaasa na may totoong buyer na darating.

At dahil sa habagat hindi makapagtripping ang mga ahente, idagdag mo riyan yung fog na istorbo na hindi makita ang property. Yung iba ay ok kinukompyut na ang mga commission at ginagastos na kahit wala pa ang commission.

Pero masaya at challenging ang buhay ahente ng mga properties..